Hindi raw nagtatanong si Coney Reyes tungkol sa love life ng anak niyang si Pasig City Mayor Vico Sotto, tulad ngayong nali-link ang alkalde sa isang TV host.
"Hindi. Kasi hindi ako tsismosa eh. Kasi alam ko kung meron talaga, sasabihin ng anak ko," sagot ni Coney sa showbiz reporters.
Kampante daw si Coney na kung meron nang love life si Vico, magkukuwento ito sa kaniya."Hindi ko kailangang magtanong. Mga anak ko, magsasabi 'yun. 'Pag walang sinasabi, eh 'di wala."
Hiningian si Coney ng komento matapos lumabas ang ilang usapin ng pagkaka-link ni Vico sa TV host na si Gretchen Ho.
Kasama raw sa mga panalangin ni Coney ang love life ng kaniyang anak.
"I'm not anxious about that. Because I know that God is preparing him and preparing somebody. So ang sinasabi ko lang, protect and preserve the person," anang beteranang aktres.
"Kailangan 'yung gusto ni Lord para sa kaniya talaga at tsaka 'yung swak talaga," dagdag pa ni Coney.
Panoorin ang komento ni Coney tungkol sa pagiging ina ng isa sa mga pinakakilalang mayor ngayon sa Metro Manila.
--Jamil Santos/FRJ, GMA News