Pagkaraan ng 25 taon mula nang maging hit single ang "214" ng bandang "Rivermaya," ipinaliwanag ng singer at nag-compose ng kanta na si Rico Blanco kung ano ang kahulugan ng titulo.
Sa kaniyang video blog, sinabi ng Rico na hindi niya inakala na kakailangan niyang ipaliwanag ang kahulugan ng titulo ng kanta pagdating ng panahon.
Mula nang mag-hit ang kanta, sinabi ni Rico na lagi na siyang natatanong kung ano meaning ng "214."
Naglabasan pa raw ang iba't ibang espekulasyon sa kahulugan nito. Tulad ng "BAD" dahil sa alphabet ay pangalawa ang B, una ang A at ikaapat naman ang D.
Paliwanag ni Rico, nang ginagawa na niya ang kaniya, nagkaroon ng ilang pansamantalang titulo ang kanta tulad ng "The Proposal," "Forever By Your Side" at "The World Could Die" pero hindi swak sa kanila.
Hanggang sa silipin daw ng kanilang bassist na si Nathan Azarcon ang liriko at nilagyan niya ng sulat na "214."
"Si Nathan, pumasok, 'Akin na nga, patingin nga ng lyrics.' Nakasulat siya sa isang pad. Tapos lumabas siya ng studio sa amin, he was giggling. Sabi niya, tumatawa siya, sabi niya, 'Andun na, may title na.' Sabi ko, 'Ano 'yon?' Tiningnan ko, 'Ano 'to?!' Meron siyang two tapos slash 14. Tapos tumatawa siya Valentine's (Day)," paliwanag niya Rico.
Sinabi pa ni Roco na tila hindi naman seryoso si Nathan sa inilagay na "2/14" pero nagustuhan niya dahil swak ang numero sa tatlong unang words ng kanta.
"Tinitingnan ko, tapos nakita ko 214 sa title, tapos yung first line 'Am I real?' Na-notice ko na two letters yung 'am,' one letter yung 'i,' four letters yung 'real.' Sabi ko, baka puwede, so 'yon na muna yung working title niya," kuwento pa ni Rico.
Nang kantahin na nila ito at i-record, hindi na nila napalitan ang 2/14 na naging hit song na "214."
Kayo, ano ang unang inakala ninyong kahulugan ng "214"?
--FRJ, GMA News