Naluluha habang ikinukuwento ng dating aktres na si Jenny Roa o, Jennifer Kiilsgaard sa tunay na buhay, ang naging masamang epekto sa kaniya ng droga.
Ito’y matapos siyang maaresto ng Pasay City Police Station Drug Enforcement Unit sa buy-bust operation sa Eusebio Street, Pasay sa mismong araw pa ng Pasko.
Ayon sa ulat ni Vonne Aquino sa Unang Balita nitong Huwebes, nabilhan umano si Kiilsgard ng P300 halaga ng shabu.
Kasama niyang naaresto ang kasabwat umano niyang si Norman Viña na nag-abot daw kay Kiilsgaard ng ibinebentang droga.
"This drugs will just ano... kumbaga, ilalayo lang kayo sa pamilya ninyo. Instead of spending time together with your loved one 'di ba malilibang ka sa droga na 'yan. Parating hindi mo alam kung bakit hinahanap ng katawan mo, hindi ko alam," naghihinanakit niyang sabi sa hiwalay na ulat ng GMA News TV "Balitanghali."
Apat na sachet ng suspected shabu ang nakumpiska sa mga suspek. Pero mariin niyang itinanggi na nagbebenta siya ng droga.
"Hindi ko po puwedeng magawang magbenta kasi I’m with somebody. Meron po akong karelasyon na seryosong tao na may edad na, na napakapormal para sabihin nilang nagbebenta ako," giit niya.
Nakilala noong 90’s si Jenny Roa bilang isang sexy star na bumida rin sa iba pang pelikula kasama ang mga sikat na aktor.
Bukod kay Jenny, nauna nang naaresto dahil din sa pagkakasangkot sa droga ang ilan pang celeberity tulad nina Deborah Sun, Angela Zamora, CJ Ramos, Krista Miller at Sabrina M. —KBK/FRJ, GMA News