Batikang reporter, mahusay na host, at premyadong direktor. Ganito nakilala ng marami si Cesar Apolinario, na nitong Biyernes ng umaga ay binawian ng buhay dahil sa sakit. Pero ang hindi alam ng marami, makulay, maaksyon at nakaka-inspire ang kuwento ng kaniyang buhay.

Mula sa mahirap na pamilya si Cesar, na latero ang ama at naglalaba ang kaniyang ina.

Siya ang bunso at tanging lalaki sa walong magkakapatid.

"Hindi ganun kaganda 'yung buhay namin noon.  Ang trabaho ng tatay ko latero. Kaming magkakapatid walo. Ang nanay ko sa bahay lang naglalabada. Kaya siguro umabot ng walo, kasi hinabol niya ako, kasi pitong babae yung kapatid ko," kuwento ni Cesar sa dating panayam sa kaniya.

Kaya naman sa murang edad, natuto na siyang maghanap ng pagkakakita.

"At the age of seven,  grade one ako nagtatrabaho na ako. Nagtitinda ng itlog ng pugo. Umaakyat ako ng bus para magbenta ng yosi," saad pa niya.

Nasubukan din niyang maging gasoline boy, at maging overseas Filipino worker sa Bahrain para makaipon sa kaniyang pag-aaral sa kolehiyo.

At nang matapos sa kursong Communication Arts sa University of Sto. Tomas, nakapasok siya sa Kapuso network bilang cameraman-researcher ng i-Witness, at kinalaunan ay naging reporter na, dokyumentarista at direktor.

Ang kaniyang mga pinagdaanan sa buhay ay nagamit din niya para maayos na mailahad ang iba't ibang istorya na kaniyang ginagawa, tulad sa mga naging paksa ng huli niyang Kapuso program na "iJuander."

Tunghayan sa video na ito ang makulay na kuwento ng buhay ni Cesar. --FRJ, GMA News