"Practice will never betray you." Ito ang tumatak sa Filipino boy group na SB19 kung bakit nagpursigi silang pag-igihan ang dance moves ng single nilang "Go Up," na inensayo nila ng 1,000 beses.
"'Yung dance po namin na "Go Up," pinraktis po namin siya ng 1,000 times bago po namin i-release 'yung dance namin," sabi ng main vocalist na si Stell sa Kapuso ArtisTambayan.
"Kasi po 'yung teacher po namin na Korean sabi niya po, meron po siya sa aming binigay na nakadikit po sa mirror ng studio namin na 'Practice will never betray you.' Yun na po ang nakatanim sa isip namin na 'Oo nga, kung magpa-practice tayo hindi tayo sasablay, hindi tayo papalya, which is lumabas po kaya sobrang thankful po namin sa teacher namin na tinuro po niya sa amin 'yun," pahayag ni Stell.
Ang SB19 ay binubuo nina Stell, Sejun, Justin, Josh, at Ken.
Sila ang kauna-unahang Filipino boy group na nag-training sa ilalim ng ShowBT, isang Korean entertainment company na nag-branch out sa Pilipinas.
Inamin ni Sejun, leader ng grupo, na kamuntikan silang sumuko dahil apat na taon sila sa kompanya at tila walang nangyayari sa kanilang career.
"Pinanghihinaan na po kami ng loob and napag-usapan namin na 'Sige, ibuhos na natin dito lahat, ito na 'yung last shot namin. Fortunately, 'yung kanta nagustuhan ng mga tao and slowly, we're getting there," ani Sejun.
Sa kasalukuyan, 4 million views na sa YouTube ang kanilang "Go Up" music video.
—Jamil Santos/LBG, GMA News