Magiging mas kapana-panabik pa ang mga eksena sa Kapuso series na "The Gift," dahil unti-unti nang lumalabas ang katotohanan sa katauhan ni "Sep" Alden Richards at kung sino ang mga tunay niyang magulang. May bago ring pumasok na karakter, na mayroon ding "gift" na katulad niya.

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing mas nagagamay na ni Alden ang pagganap niya bilang isang bulag na si Sep.

Aktuwal na siyang pumipikit sa rehearsals at blocking para talagang hindi siya nakakakita, bukod sa paglalagay ng contact lenses.

"Pikit ka lang then feel the scene, throwing lines and then ano ba? Paano 'yung tono ng boses, saan nanggagaling 'yung boses, anong mararamdaman mo?" ani Alden.

Dapat daw tunghayan kung ihahayag na ni Lola Char, na ginagampanan ni Elizabeth Oropesa, ang katotohanan kay Sep o itatago niya ito.

"Kung kayo ba ako sasabihin niyo ba, ganu'n na lang ba 'yun?" sabi ni Elizabeth.

"Sasabihin niya ba sa akin o magsisinungaling siya kasi ayaw niyang mawala si Sep? 'Yun 'yun eh, ito na 'yung moral conflict," sabi ni Alden.

Si Sophie Albert ang gaganap na si Helga, na mayroon ding gift tulad ni Sep. May third eye si Helga.

"Lumapit si Sep sa'kin asking me kung paano ko na-handle 'yung gift ko and then meron din akong nakita na lalaking sumusunod sa kaniya. So mystery kung sino 'yung lalaking sumusunod sa kaniya," saad ni Sophie.

Bukod pa rito, marami pang kaabang-abang na twists at misteryosong mga eksena ang The Gift.

"'Yung mga characters na sasagad ang kasamaan, may ibang characters na lilipat sa side ng mga apostol, 'yung mga ganiyan," ani Alden.--Jamil Santos/FRJ, GMA News