Sa huling gabi ng burol ng batikang aktres na si Amalia Fuentes, bumuhos ang pakikiramay mula sa mga artistang nakasama niya sa industriya at mga mahal sa buhay.
Sa ulat ni Darlene Cay sa GMA News "Saksi" nitong Lunes, sinabing kabilang sa mga bumisita sa huling gabi ng lamay ni Amalia ang pamangkin na si Aga Muhlach kasama ang misis na si Charlene, ang mga aktres na sina Boots Anson-Roa, Celia Rodriguez, Caridad Sanchez, gayundin ang mag-asawang Eddie Gutierrez at Annabelle Rama.
Nandoon din sina Manoling Morato at presidential spokesman Salvador Panelo.
Nagkaroon ng misa at eulogy kung saan nagsalita ang mga mahal sa buhay ng beteranang aktres, na pumanaw nitong Sabado dahil sa multiple organ failure.
Sinariwa nila ang mga magagandang alaala at buhay ni Amalia, na isa sa itinuturing na may pinakamagagandang mukha sa Philippine showbiz industry.
Maraming nagawang pelikula si Amalia mula pa noong taong 1956.
Ang apo na ni Amalia na si Alfonso Martinez, sinabing marami siyang masasayang alaala sa kaniyang lola, na inilarawan niyang mabait, mapagmahal at laging iniisip ang kanilang kapakanan.
Ang kapatid ni Amalia na si Alex Muhlach, sinabing ang aktres ang kanilang tagapagtanggol.
"Yung last 30 minutes of her life, I was holding on to her hand. Siya ang ano namin protector namin, father namin, and mother. I feel na I'm lost kasi wala na akong brother, wala na akong sister. So ayun, parang may big gap na sa buhay ko."
Balik-tanaw naman ni Boots Anson-Roa, na kaibigan ni Amalia, "I had a good fortune of working with Amalia in a few films. But more than the film experience, it was the friendship. Nakakalungkot 'cause we lost a friend."
Nagpasalamat ang pamilya sa lahat ng fans na nagpunta at nakiramay sa kanila, pati na ang kanilang mga kaanak at kaibigan na nagpakita ng pakikiramay at suporta sa kanila.
Bukas, Martes ng umaga ay magkakaroon ng misa sa Mt. Carmel Church, at nakatakdang ilibing ang aktres sa Loyola Memorial Park sa Marikina. —FRJ, GMA News