Inihayag ng direktor na si Adolf Alix Jr. ang dahilan kung bakit nalipat sa Setyembre ang play date ng movie break ni Super Tekla na "Kiko En Lala."

"Una po, inayos nila 'yung play date kasi alam ko gusto nila (producers) siyempre po, magandang play date para doon sa pelikula. Tapos pangalawa po, may effects. 'Yung effects po kasi, tiniyempo tapos inayos. Sabi namin, sayang naman kung medyo bibilisan tsaka mamadaliin," panimula ni direk Adolf sa media conference ng "Kiko En Lala" nitong Martes sa GMA Network.

 

 

Nakatakda sanang ipalabas noong Mayo ang "Kiko En Lala," kung saan gagampanan ni Tekla ang dual role ng isang lalaki at isang bakla.

Ayon kay direk Adolf, may mga kailangan pa raw i-polish o ayusin sa pelikula.

"Kinausap ko sila kung puwedeng ayusin natin 'yung effects. Kasi nga dahil dalawa siya, may mga shot na magkakadikit sila tapos aayusin. So ayun, nag-decide po sila after nu'ng nag-usap-usap po kami, tapos pumayag naman po sila na iusog."

Binanggit ng direktor na policy ngayon ng mga sinehan na kailangang mag-defer ng movie producers kung magpapalit sila ng play date.

"Tapos may rule po ata 'yung booking na two months, kung may bago kang playdate, kailangang mag-defer ka muna ng mga two months, kaya po nag-intay po kami ng bagong play date base po doon sa na nauna. Para hindi masyadong kasabayan, kasi 'di ba po ngayon, medyo mahirap din dahil may mga kasabayan din kaming foreign films," saad pa ni direk Adolf.

Kasabay nito, pinabulaanan niya ang ilang lumabas na usapin na nahirapan siya sa pag-direk kay Tekla.

"Hindi po! Actually, hindi naman po ako nahirapan kasi ang sabi ko nga sa kaniya noong nag-uumpisa siya, kung may tanong siya, dahil siyempre sabi niya nga po kanina dahil bago siya, kung paano ikamada 'yung role," ani direk Adolf.

Gayunman, inamin niyang challenge kay Tekla ang pagganap bilang isang lalaki.

"Actually, masaya lang kami kasi nga everytime na, parang lagi lang kaming nagtatawanan. Pero nahihirapan lang din po siya talaga kay Kiko, du'n sa lalaki na part. So 'pag meron siyang questions, sabi ko sa kaniya 'pag nahihirapan siya or kung meron siyang hindi naiintindihan, ine-explain ko naman sa kaniya," sabi pa ni direk Adolf.

"Tapos minsan, inuulit-ulit namin. Sabi ko sa kaniya, 'Pasensya ka na, dahil minsan talagang 'pag pelikula, 'di ba? Kasi kung sa TV minsan medyo dahil kailangan mong matapos 'di ba ganiyan. Ito medyo, minsan 'pag may eksena, alam naman niya po 'yun, parati kong sinasabi sa kaniya, 'Ito medyo crucial dahil, kumbaga ito sa kanila, halimbawa, moment nila ni Kim or moment nila ni Derrick. So minsan inuulit-ulit namin," dagdag pa ni direk Adolf.

Bagay naman ito na kinumpirma ni Tekla:

"Sobrang challenging po 'yun kasi unang-una nga, dahil sabi ko, bagito po ako sa ganitong industry, first movie. Sobrang ang bigat then hindi ko alam kung paano, kaya chinallenge ko po 'yung sarili ko. And of course, hindi naman ako masyadong nahirapang i-overcome 'yun, kasi with the help of direk, 'yung motivation ni direk sa akin, importante 'yun eh."

"Kapag sinabi ni direk, kapag binitawan niya, 'Teks ito 'yung eksena, so kung ano 'yung idea mo.' Sabi nga ni direk, 'Pagsamahin natin,' and then nag-work naman po," anang komedyante.

Sa ulat ng PEP.ph, itinanggi rin ni Super Tekla na sumama ang loob niya sa pagkaka-delay ng pelikula.

Makakasama ni Super Tekla sina Derrick Monasterio, Kim Domingo, Jo Berry, Tetay, Kiray Celis at AiAi Delas Alas.

Ipalalabas na ang "Kiko En Lala" sa Setyembre 25 sa mga sinehan. — LA, GMA News