Matapos gawin ang pelikulang "Hello, Love, Goodbye," sumabak na si Alden Richards sa taping ng kaniyang Kapuso upcoming series na, "The Gift."
Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, kinunan ang eksena sa Divisoria sa Maynila kung saan gaganap si Alden na kargador at naglalako ng paninda gamit ang kariton.
Simpleng tao, masipag at may positibong pananaw sa buhay ang karakter na ginagampanan ni Alden sa serye.
Makaka-relate daw ang maraming Filipino sa istorya ng "The Gift" kung saan ipapakita nila ang tunay na pamumuhay ng mga laking Divisoria.
Bagaman hindi madali ang buhay sa Divisoria pero hindi umano ito dapat maging dahilan para mawalan ng pag-asa.
"Puro realizations in life 'yon yung ibibigay namin sa Kapuso," saad niya.
Sadya rin daw na pinili ni Alden na siya mismo ang gumawa ng mabibigat na gawain bilang kargador sa serye para maramdaman at maranasan niya nang personal ang buhay ng kaniyang karakter.
Iikot umano ang istorya ng "The Gift" sa pag-asa at pananampalataya sa Diyos, at ipapakita rin sa serye ang bagong anyo ng Maynila.
Kasama ni Alden sa serye sina Jean Garcia, Elizabeth Oropesa, Jo Berry, Mikee Quintos, Rochelle Pangilinan, Martin del Rosario, Thia Tomalla, Tetay at iba pa.-- FRJ, GMA News