Inalmahan ni "Prinsipe K" ng "Okay Ka, Fairy Ko" na si Bayani "Jude" Casimiro Jr. ang lumabas na post sa social media na namamalimos na lang siya. Dahil dito, nagbanta ang dating aktor na sasampahan niya ng reklamo ang taong nag-post ng maling impormasyon tungkol sa kaniya.

Si "Prinsepe K" o Prinsepe ng Kahilingan ang karakter ni Bayani sa naturang sikat na TV series noong 1990s na pinagbibidahan ni Bossing Vic Sotto.

Maraming nagulat nang lumabas ang Facebook post ang larawan ni Bayani na nakatambay sa isang overpass na malapit sa isang mall sa Parañaque at sinabing namamalimos lang ito, ayon sa ulat ni Rida Reyes sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes.

Humingi pa raw ng tulong ang post na sana ay maiparating kay Bossing Vic ang kalagayan umano ni Bayani na dati nitong kasama sa programa.

Ngunit pinabulaanan ito ni Bayani, na ikinagulat at hindi natuwa sa naturang post.

Paliwanag niya, ugali na niya talagang tumambay sa nabanggit na lugar na tindahan umano ng kaniyang kaibigan na dating mekano ng kanilang pamilya na nasunugan kamakailan.

"Then she approached me. Nagulat ako sabi, 'Baka puwede makapagpa-picture kasi dati mo akong tagahanga eh'... Paninira talaga, nagtataka ako hindi ko siya kakilala, wala akong ginagawang masama sa kaniya. Kung good samaritan ka kailangan magpaalam ka muna doon sa taong gusto mong tulungan," saad ni Bayani, na anak ng namayapang komedyante at vaudeville dancer na si Bayani Casimiro Sr.

Ang paliwanag ni Bayani ay pinatotohanan naman ni Roger Villaruz, may-ari ng tindahan, na laging tinatambayan ng dating aktor.

"Hindi totoo talaga 'yan, paninindigan ko 'yan. Bumibili ng softdrinks tapos minsan magpunta may dala minsan na inumin, umiinom lang siya. Dinadalaw ako," sabi ni Villaruz.

Nang mawala sa showbiz, tinututukan daw ni Bayani ngayon ang pagiging graphic artist. Itinanggi niyang kumukuha siya ng atensyon para muling makakuha ng mga proyekto.

"I will not use people or any kind of person para ma-promote lang ako't mabalik ako sa showbiz," saad niya.

Hinamon niya saang taong nagpakalat ng maling impormasyon tungkol sa kaniya na harapin siya at humingi ng paumahin.

Handa rin daw si Bayani na maghain ng reklamo laban sa paninira umano ng taong nag-post sa kaniyang pangalan.

"Magpakita ka ulit du'n sa ilalim ng overpass. Kakausapin kita. I will file as soon as possible, maybe cyber bullying or whatever. Medyo hindi na maganda eh," ayon kay Bayani.--FRJ, GMA News