Patok na patok ang indie pop rock band na "December Avenue" dahil marami ang nakaka-relate sa kanilang mga awitin. Pero muntik na palang isuko noon ng grupo ang kanilang pangarap na maging mga musikero.


Sa Starbites report ni Cata Tibayan sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Huwebes, sinabing makaka-relate sa kanta ng grupo ang mga taong in love at maging ang mga may pinagdaanan.

Mahigit isang dekada na ang December Avenue na nabuo noong 2007 sa University of Santo Tomas.

Pero bago sila sumikat at maging in demand, muntik na raw nilang isuko ang kanilang pangarap na maging mga musikero.

Maliban kasi sa pagtugtog, may magaganda na rin silang mga trabaho. Katunayan, ang keyboardist na si Gelo Cruz at lead guitarist na Jem Manuel, dating nagtrabaho sa post production ng Kapuso network.

Nang tanungin pero bakit December Avenue ang pangalan ng kanilang grupo, sabi ni Zel Bautista, na singer-songwriter, "Ibinagay namin siya sa theme and concept ng songs namin. Yung songs kasi namin talks about love, moving on and etc. December is the last month of the year so it's an avenue or bridge towards a new life."

Sabi pa ni Zel, batay din sa personal nilang karanasan ang kuwento ng ilan nilang awitin.

"Okay lang may pinagdadaanan, okay lang nasasaktan. Hanggat nasasaktan tayo duon natin malalaman kung hanggang saan tayo," paliwanag niya.

Ang mensahe naman daw kanilang hit song na "Sa Ngalan ng Pag-ibig," sabi ni  Zel, "'Yung 'Sa Ngalan ng Pag-ibig,' it can talk about kung ano ang kaya mong gawin sa ngalan ng pag-ibig."

Patuloy niya, "Parang itong sa pagbabanda namin puwede kong irelate yung sarili ko na na naghintay ako ng sobrang tagal para maabot ko tong pangarap na ito."--FRJ, GMA News