May bagong hobby na pampa-sexy ang Kapuso star na si Andrea Torres— ang pole dancing. Alamin kung bakit niya ito sinubukan.
Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing lalong lumalabas ang kaseksihan ni Andrea sa bawat trick na ginagawa niya habang nakakapit sa pole.
Bagaman unang beses pa lang daw itong sinubukan ni Andrea, sobrang na-enjoy raw niya ito.
"Kapag tiningnan mo, parang akala mo laro-laro lang, akala mo ang dali. Siguro kasi ang gaang tingnan pero mahirap siya talaga," sabi ng aktres.
Dahil nag-e-enjoy siya, plano raw ni Andrea na ituluy-tuloy ang pag-aaral ng pole dancing na isang ring uri ng exercise.
"Mararamdaman mo siya sa arms mo, sa core mo. May mga moves na pati sa legs nararamdaman mo siya. Feeling ko nga, kapag tinuluy-tuloy mo, magiging toned ka," lahad niya.
Dagdag ni Andrea, pakiramdam niya ay nakakadagdag kaseksihan ang pole dancing.
"Kapag ginagawa mo, feeling mo, ang sexy-sexy mo, 'yung ganu'n. Tapos siyempre dahil ang hirap, kapag nagawa mo na siya finally, parang grabe 'yung fulfillment, na nabuhay mo 'yung sarili mo, nagawa mo 'yung tamang form," paliwanag niya.
Nang tanungin bakit niya biglang naisipan na mag-aral ng pole dancing, sabi ni Andrea, "Meron akong pinaghahandaan na hindi ko pa puwedeng sabihin. Siyempre ayokong ma-disappoint 'yung audience. Gusto ko 'yung pinakamagandang output na mabibigay ko, 'yun ang mapapanood nila."-- FRJ, GMA News