Tila may humahamon sa "Big Papa" ng social media  na si Dante Gulapa pagdating sa paggiling. Walang iba kung hindi ang "Little Papa" na si Romeo Asenjo.


Sa ulat ng GMA News "Saksi" nitong Miyerkules, ipinakita ang dancing moves ng midget na si Asenjo na mala-Dante Gulapa ang dating tulad ng flying eagle.

"Pangarap ko po talaga dancer dati po. Talent ko po 'yan eh, magpatawa, sumayaw," sabi ni Asenjo, na mula sa Cabuyao, Laguna.

Okey lang daw sa kaniya kung madalas siyang maging tampulan ng tukso,  basta sa puso ng kanyang misis, siya ang numero uno.

Payo niya sa mga tulad niya, "Huwag po silang panghinaan ng loob. Katulad ko po, hindi po ako pinanghihinaan ng loob kasi maliit na nga po tayo kailangan parang malaki rin po tayo."

Nasa halos two million views na umano ang video ni Asenjo.

At ang patapos niyang hirit, "Hahamunin ko mag-ano si Dante Gulapa. Ako naman si Imaw Gulapa."-- FRJ, GMA News