Muling mapapanood sa Kapuso network ang premyadong aktor na si Christopher "Boyet" de Leon sa pamamagitan ng political-romantic-comedy series na "Toda One I Love."

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA news "24 Oras" nitong Lunes, sinabing nag-taping na si Boyet para sa serye kung saan gagampanan niya ang karakter ng isang party-list congressman.

"It's a fun set. People are very nice, including our director and, I'd like to thank GMA for this opportunity," saad niya.

Tungkol naman sa kaniyang role na party-list congressman na sumusuporta sa mga magsasaka, kuwento ng aktor, "Biglang they saw this guy, my character, na medyo maigi naman, so they wanted my character to run for mayor, so nagkaro'n ng conflict."

Pinuri naman ni Boyet ang mga artistang kasama niya sa serye lalo na si Kylie Padilla na first time niyang nakatrabaho.

"She knows the scenes, she's into the scene always,  nakakatuwa 'yung bata. Very light and at the same time, magalang siya," anang aktor.

Gustong-gusto rin ng aktor ang tema ng "Toda One I Love" na nababagay raw ngayong nalalapit na ang eleksyon.

"Sinasabayan ng show na 'to ang election period. so  medyo masalimuot. may mga ambush, ah, may mga hindi magagandang nangyayari, so maraming conflict," ayon pa kay Boyet.-- FRJ, GMA News