Hindi lang ang istorya ng "Kara Mia" ang dapat abangan sa serye kung hindi pati na ang original soundtrack nito na sina Barbie Forteza at Mika dela Cruz ang umawit.

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA news "24 Oras," sinabing tungkol sa pagmamahal at pagtanggap ang original theme song ng inaabangang Kapuso primetime series.

Nag-record na sina Barbie at Mika na kani-kanilang bersiyon ng naturang awitin na "Pag-ibig Mo."

"Very relatable yung lyrics at saka nakakakilig yung tono kaya for sure magugustuhan po ninyo," ayon kay Barbie.

"Parang tungkol siya sa ano... sa pagtanggap sa sitwasyon po siguro sa amin ni Barbie," dagdag naman ni Mika.

Kambal na magkasama sa iisang katawan ang role nina Barbie at Mika sa serye.
Samantala, kakanta rin ng isa pang OST ng serye ang "The Clash" grand champion na si Golden Cañedo.

Feel na feel umano ni Golden ang pagkanta dahil talagang naka-relate din daw siya sa lyrics nito.

Masaya si Golden dahil kung dati raw sinasabayan lang niya ang ilang paborito niyang kanta sa mga soap opera, ngayon ay magiging boses na siya sa likod ng isang teleserye.

"Ngayon po ako na yung kakanta ng teleserye na talaga so sobrang happy ko po talaga na maririnig ko na yung boses ko sa tv," paliwanag niya.

Samantala, kabaligtaran ng kanilang karakter sa "Kara Mia" na magkagalit ang relasyon nina Barbie at Mika sa tunay na buhay.

Sabi ng dalawa, sa likod ng camera ay magkasundong-magkasundo sila na parang magkapatid na ang turingan. Lalo raw silang naging malapit sa isa't isa nang mag-taping na sila ng "Kara Mia."--FRJ, GMA News