Nilinaw ni Kapuso star Barbie Forteza na hindi pang-horror o nakakatakot ang bagong Kapuso series nila ni Mika dela Cruz na "Kara Mia."
Sa press launch ng "Kara Mia" nitong Huwebes sa Quezon City, inihayag ni Barbie na pambata rin ang kanilang serye na kuwento ng isang babae na dalawa ang mukha.
Barbie Forteza and Mika dela Cruz admit doing “Kara Mia” is a challenge for them. @gmanews pic.twitter.com/j4ImHf7dYn
— Jamil Santos (@Jamil_Santos02) January 24, 2019
"Hindi naman kami after the competition. It's all about showing the audience a good story, ma-pull off naming dalawa 'yung character namin nang hindi siya mukhang nakakatawa or nakakatakot," sabi ni Barbie.
"We would like to clear out lang na pambata 'yung istorya namin, hindi siya horror, hindi siya comedy. Fantaserye na may romance," ayon pa sa aktres.
Makakatambalan ni Barbie sa series ang kaniyang real-life boyfriend na si Jak Roberto. Kasama rin si Paul Salas.
Hindi naman daw iniintindi ni Barbie ang pressure na tapatan o higitan ang mga nauna niyang shows sa primetime slot na naging mataas ang rating.
"Wala naman po sa akin 'yon... Ang gusto namin, siyempre 'yung GMA Telebabad hindi lang naman siya per show parang isang kabuuan 'yung tinitingnan. 'Pag maganda ang first slot, second slot and third slot, maganda ang primetime. So kami, gusto lang namin na maging part kami nu'n at mapaganda namin 'yung lineup kung saan man kami ilagay. Either first, second or third na deserve namin na mapapunta namin sa primetime, no matter kung anong slot," sabi ni Barbie.
Ayon sa program manager ng "Kara Mia" na si Hazel Abonita, hango ang konsepto ng serye sa isang case sa India ng isang batang Disopropus o may craniofacial duplication, at urban legend sa United Kingdom na si Edward Mordake, isang lalaking may mukha sa likod ng kaniyang ulo.
Paliwanag ni Mika, parang isang tao na may dalawang personality ang kanilang karakter. Kasabay nito, ipinagtanggol niya si Mia na hindi talaga masamang tao.
"Actually hindi siya masama at all. Naiinis ako 'pag sinasabing masama. 'Di ba 'yon 'yung laging sinasabi? 'Ang sama-sama ni Mia!' Pinaglalaban ko, hindi siya masama.. Sa simula si Mia parang antipatika lang talaga siya, ganu'n lang talaga siyang magsalita. Pero dahil may pinagdadaanan... lahat naman ng tao may 'masamang' ugali," paliwanag ni Mika.
Handa raw si Barbie na tanggapin ang hamon ng pagganap sa kakaibang istorya sa "Kara Mia."
"I took it as a challenge, so walang hesitation at all. Nu'ng in-explain sa akin 'yung mangyayari, na-excite ako kasi alam kong macha-challenge ako rito," saad niya.
"For me, mas mahirap, usually mas comfortable po ako du'n. 'Pag comedy, comedy, 'pag heavy drama, heavy drama pero hirap ako minsang balansehin 'pag sa gitna... I'm very happy actually kasi feeling ko at the same time kumportable ako sa role na naibigay acting wise, but at the same time, feeling ko 'yung challenge sa amin is physically," ayon naman kay Mika.
Nakatakdang ipalabas ang "Kara Mia" sa GMA Telebabad sa Pebrero.-- FRJ, GMA News