Inamin ni Kapuso star Juancho Trivino na nililigawan niya ang host na si Joyce Pring.
Sinabi ni Juancho na umaasa siyang sana siya ang maswerteng mapili ng dalaga, ayon sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras."
"Sana ako 'yung one choice sa puso ni Joyce. I hope, I also pray na that happens also. Right now nasa stage ako na I'm just trying to win her heart," anang aktor.
Inamin pa ni Juancho na matagal na niyang crush si Joyce, at hanga siya sa kung paano magtrabaho ang dalaga.
"Crush! Crush na crush ko siya. Ever since humahanga na talag ako sa kaniya. I admire her work kaya ngayon masayang masaya ako na nakakasama ko siya, nakakatrabaho ko siya at nakakausap ko siya palagi," ayon pa kay Juancho.
Nitong Biyernes, nasaksihan ang isang nakakakilig na eksena sa "Unang Hirit" nang sorpresahin ni Juancho si Joyce habang "live" na nag-uulat.
Nagbibigay si Joyce ng tips tungkol sa mga pasyalang maaaring puntahan na hindi gaanong gumagastos.
Sa kaniyang pagkagulat, biglang sumulpot si Juancho mula sa kaniyang likuran na naka-padyak, naka-hoodie at nakatakip pa ang mukha, at binati siya ng "Hi Joyce, Happy New Year!"
Kinilig nang todo si Joyce sa ginawa ni Juancho.
Bago nito, ang alam ni Joyce ay siya lang ang magho-host para sa segment nila ni Juancho. Sinabi kasi ni Juancho sa text na didiretso na ito sa taping ng "Asawa Ko, Karibal Ko," mula sa flight galing sa Hong Kong.
Ngunit 'yun pala ay kakuntsaba ni Juancho ang buong Unang Hirit barkada para sa surpresa.
"Gusto ko lang siya pasayahin, kasi siyempre nagbagong taon na 'di kami magkasama. 'Yung apat na araw na hindi ko siya nakita, na nasa Hong Kong ako, na-miss ko siya," saad ni Juancho.
Dahil dito, kinilig din ang netizens sa "Juanchoyce."
May tip si Juancho sa mga nagbabalak ding mag-surprise ng kanilang nililigawan o minamahal.
"I think dapat galing sa puso at dapat una mong pinapasaya 'yung sinu-surprise mo at hindi 'yung ibang tao," sabi ng aktor. — Jamil Santos/MDM, GMA News