Aminado ang cast ng "Cain At Abel" na sina Dingdong Dantes, Dennis Trillo, Solenn Heussaff at Sanya Lopez, na hindi nalalayo sa tunay na buhay ang naturang serye, dahil nag-aaway din sila ng kani-kanilang mga kapatid.

Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabi nina Dingdong at Dennis na mga maliliit na bagay ang pinagtatalunan nila ng kanilang mga kapatid.

"Channel sa TV, ganoon, kung sino ang kukuha ng huling manok, 'yung mga ganoon," sabi ni Dingdong.

"Mga mabababaw lang. Mahilig siyang mangolekta ng mga pabango at saka maganda 'yung mga damit niya. So minsan hinihiram ko 'yun, tapos hindi ako nagpapaalam," ayon naman kay Dennis.

Inihayag naman ni "Abigail" Solenn, na hindi aniya sila nagkaroon ng ano mang malaking pagtatalo ng kapatid niya na si Erwan.

Katunayan, dini-deadma lang ito ni Solenn kahit ayaw niya ang ginagawa o sinabi ang kapatid.

"We're very supportive. Since birth our parents really taught us na, 'yun 'pag family talaga, you need to be there for one another," saad ni Solenn.

Si "Margaret" Sanya, naman sinisita ng kaniyang kuya Jak Roberto.

"Mga simpleng bagay. Katulad na lamang ng hindi ako masyadong prepared pagdating sa mga dala kong gamit, may mga kulang-kulang," saad ni Sanya. —Jamil Santos/ LDF, GMA News