Kahit siya ang itinuturing "mukha" ng "Magpakailanman," hindi naman naniniwala si Mel Tiangco sa pananaw ng ilan na hindi tatayo ang programa kung wala siya. Kasabay nito, ipinaliwanag din niya kung bakit naging matagumpay ang programa na nagdiriwang ng ika-anim na taong anibersaryo.

"I appreciate that, I'm very happy about that. Pero hindi lang ako ang 'Magpakailanman,' hindi lang ako. Andami-dami, andami-dami namin para mapaganda at maibigan ang 'Magpakailanman,'" saad ni Tita Mel sa pocket press interview para sa 6th anniversary ng programa nitong Miyerkoles sa GMA Network.

 

 

"You know una muna, we have our researchers, we have our writers, we have our editors, we have our cameramen, we have our location managers, we have our makeup artists... Andami niyan, hindi lang ako, and most of all, the subject of our stories who whole-heartedly shared their lives with us," dagdag pa ni Tita Mel.

Para kay Tita Mel, ang tagumpay ng 'Magpakailanman' ay nakasalalay pa rin sa mga nakaaantig na istorya ng mga ordinaryong tao.

"'Yun ang pinakamalaking bahagi ng success ng 'Magpakailanman.' Mga taong nagtiwala sa 'Magpakailanman,' shinare (share) ang kanilang mga hirap sa buhay, ang kanilang mga ambitions, shinare nila sa amin ang mga frustrations and also their successes. 'Yun ang pinakamabigat na factor in the success of 'Magpakailanman,'" saad niya.

Dati nang naikuwento ni Tita Mel na pinaka-naantig siya sa istorya ng ina na binubugbog ng tatlo niyang anak na mga schizophrenic, at ang isang ina na mayroong mga anak na may sakit sa dugo na anumang oras ay maaaring pumanaw.

"Hindi sa gustong-gusto, kundi ako mismo, na-touch, napaiyak, naawa, ako mismo 'yung emotion ko na-seize niya 'yung emotion ko," pahayag ng batikang brodkaster.

Sinabi ni Tita Mel na kaya nilang patunayan na totoo ang mga istoryang tinatampok nila.

"Pero I would think the big difference is this, napapatunayan namin na totoo. Napapatunayan namin sa televiewers na totoo eh. Paano namin napapatunayan na totoo 'yung kuwento namin?,"  aniya.

"Simple, simple. Kasi nakikita ko siya, nakakausap ko siya, nai-interview ko siya, alam ko 'yung buhay niya, alam ko ang istorya ng buhay niya," saad pa ni Tita Mel.

Pag-amin din ni Tita Mel, malaking responsibilidad ang maging host programa para mailabas at maipahayag ang tunay na kuwento sa likod ng mga ibinahaging istorya ng mga totoong tao.

"In that manner, we are able to prove na totoo, totoong tao itong pini-feature namin. Hindi fiction, hindi lang 'yan kunware nag-email, nagpadala ng sulat, whatever, ano. Kasi talagang nandodoon siya, kasama ko siya sa set," sabi ni Tita Mel.-- FRJ, GMA News