Flattered daw si Tita Mel Tiangco sa mga naglabasang "24 Oras" memes na nagpapakitang nilulusong niya ang mga panganib tulad ng baha, lindol, MRT at pagputok ng bulkan. Saad ng batikang brodkaster, ang mga "meme" ay senyales na "in" pa rin siya maging sa panahon ng social media.
VIRAL: 'Concerned' netizens had a hilarious reaction to Tita Mel 'stranded' in 24 Oras 'floods'
Sa pocket press interview para sa 6th anniversary ng "Magpakailanman," sinabi ni Tita Mel na maski siya ay nakita rin ang mga meme.
"Alam ko 'yan! Nakita ko 'yan! Nakakatuwa ano?," bungad niya.
"Siyempre, biruin mo 'yon? So ibig sabihin no'n, hindi lang pala ako pang-senior, [pang-millennial din]. Sabi nga nila, ang comment nila sa newsroom nu'ng naging nag-trending 'yan eh, 'Tita Mel you know, they really love you.' So you know, just that comment, ganoon din 'yon, nakaka-uplift din 'di ba?," patuloy ni Tita Mel.
Ikinatuwa rin ni Tita Mel na maski mga bata ay kinagigiliwan at nakikilala siya.
"Biro mo pati mga bata natutuwa. Eh hindi pa siguro pinanganak 'yun nu'ng nag-umpisa ako sa business na ito eh. So siyempre ano sasabihin ko? Siyempre natutuwa ako sa kanila na 'in' pa rin ako, 'in' pa rin ako kahit na senior," saad ng beteranang brodkaster.
Binanggit din ni Tita Mel ang isang quote sa socil media post na nagsabing, "God is a woman and her name is Tita Mel."
"Nabasa niyo 'yun? Oh 'di ba? Can you just imagine that? I don't know where he was coming from... pero para sabihan ka nang ganiyan eh talaga namang [nakaka-flatter], 'di ba? Kahit ito ay mga salitang katuwaan lang, pero still, oo natutuwa ako, it made me very, very happy. Kasi iba-iba ang naging comment ng tao eh about 'yon," masaya niyang paliwanag.
"Eh dito nga sa newsroom, ang comment nila 'They really love you tita Mel.' Nakakatuwa," dagdag niya.-- FRJ, GMA News