Out of danger na raw ang "Eat Bulaga" dabarkads na si Baeby Baste na ilang araw na naratay sa ospital matapos tamaan muli ng dengue.


Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabi ng management team ni Baste na bumalik na raw sa normal ang temperatura ng child star at inaasahan na makalalabas na siya ng ospital sa Miyerkules.

Gayunman, kailangan pa rin niyang manatili sa bahay para sa tuloy-tuloy na paggaling.

Kadarating lang ni Baste sa bansa kamakailan mula sa bakasyon sa Japan kasama ang pamilya nang dalhin siya sa ospital dahil sa lagnat.

Dito na natuklasan na nagkaroon muli siya ng dengue, na kaniyang tinaglay din noong nakaraang Hulyo.

Sa isang Instagram post, makikita ang baby picture ni Baste at nilagyan ng caption na sadya raw habulin ng lamok ang bata kahit noong baby pa lang.

 

 

Nagpasalamat ang "Eat Bulaga" at Triple A family sa mga nagdasal para sa paggaling ni Baste.

Kabilang sa mga bumisita sa kaniya sa ospital si Pambansang Bae at kapwa niya dabarkads na si Alden Richards.

Batay sa datos ng Department of Health, tumaas ng 21 porsiyento ang kaso ng dengue ngayong taon.-- FRJ, GMA News