Pumanaw na nitong Martes ng umaga ang mang-aawit at kinikilalang OPM legend na si Rico J. Puno sa edad na 65. Ang mga celebrity, ipinadama sa social media ang kanilang kalungkutan at pagkabigla.



Sa panayam ng "Dobol B sa News TV," sinabi ni Norma Japitana, manager ni Rico J sa loob ng 35 taon, na nagtungo sa ospital nitong Linggo ang mang-aawit para sa regular checkup pero hindi na siya pinayagan na umalis.

Dagdag ni Norma, "heart-related" ang sanhi ng pagpanaw ng batikang mang-aawit.

Dati na umanong sumailalim sa operasyon sa puso si Rico at nilagyan ng pacemaker noong Agosto.

Abril 2015 nang isailalim sa triple bypass operation si Rico J., na nagpasikat sa mga awiting tulad ng "Kapalaran", "May Bukas Pa", "Macho Gwapito," "Magkasuyo Buong Gabi," at marami pang iba.

Binansagan din si Rico J. na "total performer" dahil mahusay rin niyang magpatawa sa mga pagtatanghal.

Nakatakda pa sanang magdaos ng concert ang mang-aawit sa Nobyembre,  ayon kay Norma.

Nagpaabot naman ng pakikiramay ang Malacañang sa mga naulila ni Rico J., na isa ring lokal na politika sa Makati at nagsilbing konsehal.

“We express our condolences to a legend that is Rico J. Puno. He has contributed a lot in the music industry,” saad ni presidential spokesperson Salvador Panelo sa press briefing nitong Martes.

Kinilala rin ni Senate President Vicente Sotto III ang malaking kontribusyon ni Rico J sa OPM songs.

Ang mga celebrity tulad nina Lea Salonga, Martin Nievera, Aiai delas Alas, Leah Navarro at marami pang iba, ipinaramdam ang pagluluksa sa social media.

 

 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 

Rest in His peace kapitan. I’m in total shock at this news. ????????????????????

A post shared by Gary Valenciano (@garyvalenciano) on

 

--FRJ, GMA News