Sa kaniyang nalalapit na kaarawan, naghandog ng tulong na kalahating milyong piso si Kapuso Primetime Queen Marian Rivera para sa operasyon ng mga batang may bingot na nais niyang mabigyan ng magandang ngiti.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing halos apatnapung bata na may bingot ang magkakaroon ng bagong ngiti dahil sa naturang regalo ni Marian sa Smile Train.

Ang naturang foundation na apat na taon nang sinusuportahan ni Marian ay tumutulong para maoperahan ang kapus-palad na mga batang may bingot.

"Gusto kong maging meaningful 'yung darating kong birthday," saad ni Marian. "Naisip ko na magbenta ng t-shirt na 'yan ang smile para at least gusto ko din i-extend 'yung awareness ng mga tao na may libreng operasyon para sa mga batang ito na nangangailangan."

Sa Linggo pa ang birthday ni Marian pero pinili niyang mag-advance celebration na kasama ng mga batang kaniyang tinutulungan.

Nitong Huwebes ng gabi, nagkaroon din siya ng advance birthday celebration kasama ang cast ng dating serye na kaniyang pinagbidahan na "Super Ma'am."

Nang tanungin kung ano ang plano ni Marian sa mismong araw ng kaniyang kaarawan, anang aktres, "Tinatanong ko 'yung asawa ko [Dingdong Dantes], basta ang sabi niya sumama 'ko sa kanya. So, 'wag na daw akong maraming tanong. Hindi ko alam kung ano, basta sabi niya kakain lang kami with family."

At kahit siya ang ang may birthday, siya pa rin ang nagbigay ng regalo ng booths sa Kapuso young star na si Kyline Alcantara para magamit sa concert nito sa Aeptember 8 sa Skydome.

"Kasi sobrang bait nu'ng bata," ani Marian. "Last 'Sunday Pinasaya,' pinadalhan niya 'kong flowers. Sabi ko, para saan? Nagte-thank you siya for ah... nice daw ako sa kaniya and everything."

Sa ngayon, excited na rin daw si Marian para sa gagawin nilang show nina AiAi delas Alas, Julie Anne San Jose at Christian Bautista sa California na itinakda sa Oktubre na tinawag na, "Kapusong Pinoy, Paskuhan at Kantawanan sa Anaheim."-- FRJ, GMA News