Masaya si Kylie Padilla na nagkaayos na ang kaniyang amang si Robin Padilla at nobyong si Aljur Abrenica.  Sa birthday party ng anak nilang si baby Alas, nahagip ang pagmamano ni Aljur kay Robin.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing jungle-themed ang first birthday celebration ni baby Alas Joaquin.

Marami ang natuwa nang makita ang pagmamano ni Aljur kay Robin na kabilang sa mga dumalo sa okasyon.

Magugunitang nagkaroon ng bahagyang 'di pagkakaunawaan kina Robin at Aljur.

May lumabas pang ulat na hindi umano pabor ang batikang action star kay Aljur.

Kaya naman labis na ikinatuwa nina Kylie at Aljur na dumating si Robin.

"Kung ako lang sana mas marami pang ganito kahit walang okasyon, magkita-kita," saad ni Aljur.

Sabi naman ni Kylie, "Ang sarap ng ganoon na 'pag may family event alam mong ok na, wala nang iniisip, walang gumagambala sa saloobin mo. Wala nang ganoon, peace na lahat. Sobrang kinikilig ako na normal na lang."

Payo naman ni Robin kina Kylie at Aljur, "Mga anak ang dapat na prayoridad niyo hindi na 'yung pag-ibig n'yo sa isa't isa kundi 'yung pag-ibig n'yo na du'n sa apo ko." -- FRJ, GMA News