Karaniwang gumagamit ng screen name ang mga artista para madaling tandaan o magandang pakinggan. Alamin ang ilan sa tunay nilang pangalan tulad nina Regina Alatiit, Bartolome Alberto Mott at Flordeliza Sanchez.

Sa Star Bites report ni Cata Tibayan sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Biyernes, Bartolome Alberto Mott ang tunay na pangalan ng hunk Kapuso actor na si Tom Rodriguez.

 


Samantala, ang Kapuso leading man na si Dennis Trillo, Abelardo Dennis Florencio Ho ang tunay na pangalan.

Si Flordeliza Sanchez, mas kilala sa showbiz bilang si Glydel Mercado. Samantalang Regina Alatiit ang tunay na pangalan ng batikang aktres at direktor na si Gina Alajar.

Ang Kapuso star na si Ruru Madrid, Jose Ezekiel Misa Madrid ang real name. Ang Ruru na kaniyang nickname ay naisip umano ni direk Maryo J Delos Reyes na gamitin niyang screen name.

"Nung tinanong ako ni direk Maryo, 'Ano name mo?' Ezekiel po.  Ang baho ng pangalan mo, sabi sa akin ng ga'nun. Ano nickname mo? Ruru. Ayun! Ruru Madrid.' Kaya si Direk Maryo nagpangalan sa akin," kuwento ng aktor.

Ang magandang Kapuso young actress na si Kate Valdez, Keith Eliana Habala Sisante, ang tunay na pangalan.

"Classmates ko before tawag pa sa akin Keith. Nakakatuwa kasi natatandaan pa nila tawag na kasi sa kin ngayon Kate," aniya.

Si Kyline Nicole Aquino Alcantara Manga, mas kilala sa showbiz bilang si Kyline Alcantara.

 


Malayo rin sa kanilang tunay na pangalan ang iba pang batikang artista tulad ni Jean Garcia na si Jessica Anne Maitim sa tunay na buhay. Samantala, Rosemarie Joy Garcia naman ang tunay na pangalan ni Diana Zubiri.

Ang bida sa "Pepito Manaloto" na si Michael V,  Beethoven del Valle Bunagan ang tunay na pangalan.

 


Ang misis niya sa programa na si Elsa Manaloto na ginagampanan ni Manilyn Reynes, ang tunay na pangalan ay Manilyn Manaloto.

Paliwanag ng showbiz authority na si manay Lolit Solis, binabago ng artista ang kanilang pangalan na ginagamit bilang screen name para sa "recall" o madaling tandaan at maganda sa pandinig. -- FRJ, GMA News