Pormal nang naging Kapuso ang aktor na si John Estrada matapos siyang pumirma ng exclusive contract sa GMA Network nitong Miyerkoles, Mayo 2.

 

 

"Masaya, masaya. I feel so welcomed... and at the same time excited," saad ni John.

"It's a fact naman na men love challenges. As we mature, siyempre marami pang gustong patunayan sa sarili mo. At sa GMA, maganda, interesting 'yung mix of content and of course, bagay sa akin 'yung versatility na ino-offer nila," dagdag ng aktor.

Kasama niyang pumirma ng kontrata sina Senior Vice President for Entertainment Content Group Lilybeth Rasonable at Vice President for Drama Redgie Magno.

Kinumpirma ni Ms. Magno, na mapapanood na si John sa isang Kapuso show pero hindi muna sinabi kung ano ito.

"But itong first project ko, dito ako sobrang excited dahil napakaganda. If I am not mistaken, this is the biggest project of GMA this year. Pagpasensiyahan niyo na ako, 'yung revelation nito dapat perfect timing kasi nga malaking-malaking proyekto. I'm really looking forward to it. I just want to say that it is all worth the wait," ayon kay John.

"Number one is the role, of course the project itself and I've never done something like this, this is my first job kaya excited ako," sabi pa niya.

Bago nito, nag-guest na rin si John sa Kapuso celebrity game show na "Celebrity Bluff" noong Sabado.

"Honestly sa 'Celebrity Bluff' I was telling ma'am Redgie Magno, matagal ko nang pinapanood 'yun at saka kay Uge, talagang sinabi ko na fan ako ng 'Celebrity Bluff,' walang bola 'yon. And I'm so happy at last na nag-guest na ako do'n. Siyempre kinakabahan at excited," sabi ng aktor.

Ayon pa kay John, hindi rin siya nakatanggi noon na mag-guest sa "Wowowin" ng kaibigan niyang si Willie Revillame.

"Sa 'Wowowin,' ang kaibigan kong si Willie, hindi naman ako makahindi dahil kahit gusto kong humindi, hindi ako makahindi... but I was one of the judges sa 'Will to Win' grand finals, so sana abangan niyo rin 'yan," patuloy niya.

Nagpasalamat si John sa mga GMA executives sa mainit na pagtanggap sa kaniya ng network.

"I'm looking forward to my guestings here, projects ko dito sa GMA. Sa management maraming maraming salamat at kinuha niyo ako dito at actually matagal-tagal na 'to. Finally I'm here and I'm so excited to work with you guys and sa lahat ng mga Kapuso fans sana po abangan niyo ang bago kong proyekto dito sa GMA Network," aniya.

Hindi rin itinanggi ni John na gusto niyang makatrabaho ang kaniyang anak na si Inah de Belen, bukod pa kina Dingdong at Marian, na kaniyang mga kaibigan.

"Of course, opportunities like I'd love to work with my daughter Inah, and I'm a good friend of Dingdong and Marian. I would love and it's a dream for me to work with Dingdong and Marian. At marami pang Kapuso at talents na napapanood ko eh maraming magagaling na artista," sabi niya. -- FRJ, GMA News