Inamin ng Kapuso star na si Jennylyn Mercado na may takot siya sa maiingay at malalakas na putukan pero nalampasan niya ang naturang "phobia" sa bago niyang seryeng "The Cure."
“Bata pa lang ako, natatakot ako kapag nakakarinig ako nang malakas na putukan. Feeling ko, may nagbabarilan.
“Kaya tuwing New Year, nagtse-check-in ako sa hotel, kasi takot ako sa ingay ng mga paputok. Kapag nasa hotel room ako, I feel safe," kuwento ng aktres.
Patuloy niya, “Kaya dito sa The Cure, kabadung-kadabo ako talaga kasi may mga blastings, may barilan, may sumasabog. At malalakas talaga.
“Kahit na alam kong maayos naman nilang sine-set up iyon, still, may takot pa rin ako.
“Pero tiis-tiis lang. Dinadaan ko na lang sa pagbuhos ng emotions sa mga eksena namin para mawala ang takot ko.
“I try to overcome my fear sa pag-focus sa mga eksena namin,” diin ni Jen.
Malaking tulong daw ang leading man niyang si Tom dahil sa pagiging energetic nito sa mga eksena nila.
“Nakakahawa ang pagiging maliksi ni Tom sa mga eksena namin parati.
“Kaya kahit paano, nabawasan ang takot ko kasi nakikita ko si Tom na parang bale-wala sa kanya yung mga sumasabog sa set. Action star na action star si Tom!” tawa pa ni Jen.
Samantala, pitong buwan din bago gumawa muli ng teleserye si Jennylyn, na ang huli ay ang "My Love From The Star."
Hindi naman daw sa naging choosy si Jen dahil gusto niyang magpahinga muna sa TV para gawin ang ibang trabaho.
“Hindi naman po ako ganun ka-choosy basta importante lang po maganda yung kwento, 'di ba?
“Alam natin na maganda yung magiging takbo ng buong soap. Ganun lang naman yun.
“’Tsaka after My Love From The Star, marami ring trabaho na dumating, like yung movie namin ni Derek Ramsay na All Of You na pinalabas noong MMFF [Metro Manila Film Festival] 2017.
“Marami din akong guestings pero naging priority ko rin ang mag-spend ng time kasama ang anak at ang daddy ko.
“Kapag may teleserye kasi ako, marami akong nami-miss sa mga ginagawa ni Jazz.
“Kaya noong matapos po ang show, talagang tutok ako kay Jazz.
“Nabakasyon kami, bonding with my dad. Mga gano’n muna bago tayo ulit mag-work nang tuluy-tuloy.
“Kaya yung naging show namin na Sikat Ka, Kapuso, huling paglabas muna ng bansa iyon for me kasi nag-start na kami sa The Cure,” pahayag pa ni Jennylyn sa media launch ng naturang teleserye sa Le Reve Pool and Events Venue in Quezon City last April 17.-- For the full story, visit PEP.ph