Natawa si Michael V. nang tawagin siyang "icon" ng ilang reporters sa isang panayam kamakailan.

Para sa itinuturing na comedy genius ng GMA Network, malayo pa raw siya sa ganitong estado sa industriya ng show business.

Sabi ni Michael V., na kilala rin sa pangalang Bitoy, “Hindi pa, ang layo pa, ang dami ko pang gagawin.

"Well, salamat if you're saying that, thank you.”

Patuloy niya, “Pero for me, na-scratch pa lang natin yung surface.

“Hindi pa natin narating yung narating ng mga totoong icon.

“Like, Dolphy... ngayon yung mga living icons natin, sina Regine Velasquez, Robin Padilla, Tito [Sotto], Vic [Sotto], and Joey [de Leon]...”

Para kay Bitoy, marami pa siyang maaaring ibahagi sa industriya, hindi lamang sa pagiging comedy actor.

“More entertainment, I guess, iba-ibang forms, something na hindi pa nagawa ng mga icons natin.

“Hindi ko pa alam kung ano pa yun specifically.

“Pero sinisimulan natin, like itong vlogging, hindi pa nagagawa ng mga [icon], kasi wala pang internet," biro at natatawa niyang sabi.

Bagamat mahigit dalawang dekada na si Bitoy sa showbiz, wala pa rin daw siyang planong magretiro.

Patunay nito ang muli niyang pagpirma ng kontrata sa GMA Network noong Miyerkules, April 4.

Sa kasalukuyan, may tatlong shows si Michael V. sa Kapuso network: "Bubble Gang," "Pepito Manaloto," at "Lip Sync Battle Philippines."

“Hangga't tinatangkilik ka ng audience or hanggang mayroon akong idea na feeling ko hindi pa nagagawa, tuluy-tuloy lang 'to,” pagtatapos ni Bitoy.-- For more showbiz news, visit PEP.Ph