Aminado ang mga bida ng pinakabagong GMA Afternoon Prime series na "Contessa" na sina Glaiza de Castro at Jak Roberto na magkahalong pressure at pagka-overwhelm ang kanilang nararamdaman sa pagsisimula ng kanilang serye.
Sa Star Bites report ni Lhar Santiago sa GMA News "Balitanghali" nitong Martes, sinabi ni Glaiza na nararamdaman nila ito dahil sa talagang pinag-isipan at pinaghandaan ang "Contessa."
"Nao-overwhelm ako saka parang naging emotional ako kasi nu'ng nakikita ko kung sino 'yung mga kasama ko, kung gaano siya pinag-isipan, kung gaano siya binusisi ng production, ng network, sobrang grateful ko po," sabi ng aktres.
"Kung paano pinakita 'yung teaser namin, nakakakilabot na gano'n pala 'yung nabuo namin," sabi naman ni Jak.
Gaganap si Glaiza bilang si Bea, isang babaeng sobrang inapi, tinapakan at niyurakan ang pagkatao ng karakter na ginagampanan ni Lauren Young.
"Makikita nila na aapihin ako, sasampalin ako, ihuhulog ako sa pool, gano'n. Talagang intense 'yung mga eksena," saad pa ni Glaiza.
Unang pagkakataon naman ni Jak na mapasabak sa action scenes.
"Meron nga agad kaming encounter ni Mark Herras and ako kasi, sobrang defensive ko para kay Bea," anang aktor.
Sandaling magpapahinga sina Glaiza at Jak sa Holy Week at matapos nito ay muli silang sasabak sa mga mabibigat na eksena ng serye.
Plano ni Glaiza sa Holy Week, "Parang mag-staycation na lang ako eh. 'Pag natapos na 'tong Holy Week na 'to, talagang puspusan na ulit kami."
"Kami ni Sanya kasi last year pumunta kaming Boracay pero ngayong Holy Week, baka mag-Coron, Palawan kami," sabi ni Jak.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News