Masaya si Tom Rodriguez na makakatrabaho niya sa seryeng "The Cure" si Jennylyn Mercado. Bukod dito, gustong-gusto raw ni Tom ang kaniyang role na pasok daw sa kaniyang hilig.
Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing kababalik lang ni Tom sa bansa mula sa kaniyang bakasyon sa Arizona sa Amerika.
Gustung-gusto raw ni Tom ang kaniyang karakter sa serye na isang laboratory technician.
"First time ko na lab tech kaya, at least pasok du'n sa mga interest ko sa science, sa chemistry. So baka dito, magamit ko 'yung mga personal kong interests," masaya niyang pahayag.
Bagaman nagkakasama na sila sa ilang proyekto tulad ng Lenten special, sinabi ni Jen na first time nilang magkakatrabaho ni Tom sa isang serye.
"Yung lenten special saka kapag may mga out of the country, magkakasama kami, ganyan. So hindi naman iba si Tom," sabi ng aktres.
Pahayag naman ng aktor, "I'm so honored. I'm a big fan of Jen's. She's an amazing actress and I can only wish that I could learn even more. Kasi nu'ng Lenten special pa lang, ang dami ko nang natutunan."
Samantala, ikinuwento naman ni Tom na naging masaya ang kaniyang bakasyon sa Amerika kasama ang kaniyang pamilya bagama't unang Pasko iyon na wala na ang kaniyang ama.
Mas lalo raw naging masaya si Tom dahil dumating doon ang girlfriend na si Carla Abellana bago mag-New Year.
"Siya na 'yung sinusugod ng mga pamangkin ko, siya 'yung pinagkakaguluhan du'n. Mabuti naman, at least she had fun. We took her to a few different haunted spots sa arizona kasi hiling niya," saad ni Tom. -- FRJ, GMA News