Mistulang barbie doll sa kaniyang make-up at kasuotan si Paolo Ballesteros nang dumating sa premiere night ng bago niyang movie na, "Barbi the Wonder Beki."

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing masayang-masaya si Paolo dahil dinumog ng mga manonood ang premiere night ng kaniyang pelikula.

Naroon ang co-stars ni Paolo sa pelikula katulad ng magka-love team na Bianca Umali at Miguel Tanfelix.

Dumating para magbigay ng suporta ang kaniyang "Eat Bulaga" dabarkads na sina Ruby Rodriguez at Maine Mendoza.

Ayon sa aktor, kinakabahan na na-e-excite si Paolo sa pagpapalabas ng kaniyang pelikula.

"More on nakaka-excite eh. Unang-una it's my birthday tapos, ayun, sabay ang showing ng 'Barbi' so mas na-e-excite ako. Kasi parang right after 'Die Beautiful," eto 'yung next ko na ako 'yung lead," sabi ni Paolo.

Todo-effort daw si Paolo sa 'Barbi' lalo pa't alam niyang box-office hit ang original na pelikula na pinangunahan noon ni Joey De Leon, na kasama rin sa bagong bersyon.

"Lahat naman ng ginagawa ko todo lahat when it comes to the looks and lahat ng mga kailangang gawin. As much as I can gagawin ko lahat," aniya.

Samantala, masayang ibinalita ni Paolo na patapos na ang ipinapagawa niyang bahay at excited na siya dahil lilipat na sila bago magpasko at doon na ang kanilang family Christmas celebration.

"Hindi pa kami nag-aayos ng Christmas, kasi although naglagay na ng Christmas tree 'yung mga kapatid ko kaya lang hindi pa 'yun todo," kuwento niya.-- FRJ, GMA News