Ibinahagi ng aktres na si Candy Pangilinan sa "Tonight With Arnold Clavio" ang mga pagsubok na kinaharap niya sa pagpapalaki sa kaniyang anak na may ADHD o attention deficit hyperactivity disorder. Nagpapasalamat naman siya dahil nagkaroon ng magandang resulta ang kaniyang mga pinagtitiis.
Sa panayam ni Igan Arnold Clavio, sinabi ni Candy na kinailangan niyang kontrolin ang kaniyang emosyon sa panahon na nagwawala ang kaniyang anak dahil na rin sa bilin ng duktor.
"Consistency is very important, Candy. Kung ano ang ginagawa natin sa therapy, ganu'n ang gagawin sa bahay. 'Pag nilabas mo sa mall, ganu'n din ang gagawin natin. 'Pag nagwala 'yan sa mall, hindi ka pwedeng mag-give in. Matatandaan niya 'yon," paliwanag ni Candy sa naging bilin sa kaniya ng duktor.
Para hindi raw makuha ng anak ang kaniyang atensyon, nakikipagmatigasan siya. Dahil dito, hindi maiwasan ng mga taong nakakakita sa kanilang sitwasyon na isipin na pinapabayaan ni Candy ang kaniyang anak.
"Hayaan mo siya. Patigasan kayo. Ang unang mag-give in, talo," saad niya.
Kuwento pa ni Candy, para lang hindi marinig ang pag-iyak ng anak tuwing therapy, nanonood siya ng mga Koreanovela. Ito raw ang tunay na rason kung bakit siya na-adik sa naturang programa.
"Mamamatay po ako sa sama ng loob, kasi naririnig ko 'yung anak ko nasa loob umiiyak the whole time. Kung two hours ang therapy, two hours umiiyak 'yon... So natuto po akong manood ng Koreanovela sa pamamagitan ng headset... Kaya naging taga-endorse ng Koreanovela, kasi ayaw ko lang marinig 'yung iyak ng anak ko," paliwanag ni Candy.
Nilinaw din ni Candy ang naging mga usapan noon na binubugbog siya ng boyfriend dahil nakikitang may mga kagat siya pero ang anak daw talaga niya ang may gawa ng kaniyang mga sugat.
"Ako lang naman ang kinakagat niya. Maybe he wants to get my attention so kakagatin ako dito, scratch. 'Pag umaray ka, 'Ah nakuha ko na naman attention mo.' So habang kinakagat niya ako, wala lang akong reaksyon pero tumutulo ang luha ko," patuloy ng aktes.
Ibinahagi rin ni Candy na nangyari rin noong mas bata ang kaniyang anak na ma-bully at hindi makapaglaro sa ibang mga bata.
Sakabila ng lahat, masayang ibinalita ni Candy ang malaki nang pagbabago sa kaniyang anak na 14-anyos na ngayon dahil nakakapagsalita na ito, nauutusan at nakakapag-express ng kaniyang nais sabihin.
Hindi malilimutan ni Candy ang kabutihan ng anak, na noo'y naghubad ng damit para ibigay sa isang bata sa kalye na walang kasuotan.
"Anak huwag 'yan, Lacoste!" natatawang kuwento ni Candy.
"It's okay mom, plenty shirt, plenty shirt," kuwento ni Candy sa naging sagot ng anak.
Dito ay nakita daw ni Candy ang kabutihan ng kaniyang anak.
Panoorin ang naturang panayam ng "TWAC" kay Candy:
Click here for more GMA Public Affairs videos.
-- Jamil Santos/FRJ, GMA News