Makikita sa paanan ng Pyrenees mountains sa France, tanyag ang Sanctuary of Our Lady of Lourdes dahil dito raw nangyari ang aparisyon ng Birheng Maria kay Bernadette Soubirous, na isa nang santo ngayon. Taon-taon, dinarayo ito ng humigit kumulang anim na milyong tao mula sa iba't-ibang bansa.
Sa ulat ni Lyn Ching sa GMA News "Unang Balita," sinabing Pebrero 11, 1858, daw nang unang nagpakita ang Mahal na Birhen kay Soubirous sa Massabielle Grotto.
Itinuro daw ng Birheng Maria kay Soubirous na maghukay sa isang bahagi ng grotto. Kalauna'y tumagas ang tubig o spring water na sinasabing milagroso raw dahil ito'y nakapagpapagaling ng mga sakit.
Sa iba't-ibang lenggwahe isinasagawa ang mga misa sa grotto kada oras, kabilang na ang French, Italian, German, Spanish at English.
Pinipilahan naman ng mga deboto ang grotto tuwing walang misa para hawakan ang mga pader dito dahil sa paniwala na mayroon itong basbas.
Nananatili ang eksaktong pinaghukayan ni Saint Bernadette, na napapaligiran ng mga alay na bulaklak, kandila at mga litrato.
Isinasagawa naman ang Torchlight Procession tuwing alas-nuebe ng gabi kung saan iikot sa loob ng santuwaryo, na tumitigil sa harap ng Basilica para magrorosaryo sa iba't-ibang lengguwahe.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News