Opisyal nang Kapuso ang aktor na si Jason Abalos, matapos niyang pumirma ng exclusive contract sa GMA Network nitong Martes, Oktubre 3, 2017.

 

Dumalo sa naturang contract signing sina GMA SVP for Entertainment Lilybeth Rasonable at SVP for Alternative Productions Gigi Santiago-Lara.

"Bagong mundo sa akin ito eh pero kung ano man yung naging trabaho ko sa pinanggalingan ko, pwede ko pong madala dito, tsaka mas magpursigi pa," ayon kay Jason.

"Siyempre po, bago lahat eh, bagong mukha, bagong environment, bagong adventure," dagdag pa niya.

Excited din daw si Jason na makatrabaho ang mga Kapuso stars.

"Siyempre, yung mga bagong taong makikilala at makakatrabaho ko, panibagong pakikisama ito eh, so du'n ako na-excite. Mas nacha-challenge ako sa mga taong nakakatrabaho ko," saad ng bagong Kapuso actor.

Kabilang na dito sina Mark Herras at Rocco Nacino na mga dati na raw niyang kaibigan.

"May mga kaibigan po ako dito sa GMA, sina kuya Mark, kuya Rocco. So ako po, 'pag trabaho, trabaho lang talaga. Isa po na nakaka-excite sa akin ay makatrabaho sila kasi puro kami basketball lang eh, ngayon lang po kami magkakatrabaho sa isang proyekto kung saka-sakali," paliwanag niya.

Desisyon sa paglipat

Aminado si Jason na hindi madali ang naging desisyon niyang paglipat ng network.

"Isa rin sa dahilan kung bakit lumipat ako ng GMA, baka mabigyan ako ng roles na hindi ko nagawa sa [kabilang network]. Mas gusto ko lang palawakin yung naaabot ng craft ko," aniya.

Dagdag pa ni Jason, "Kasi 12 years ako sa [kabila] hindi naman ako pinabayaan du'n, wala naman akong pwedeng sabihin sa inyo kundi magagandang bagay at ala-ala sa [kabila]. Isa pong malaking desisyon para sa akin ito, gusto ko rin pong subukan ang kapalaran ko sa GMA."

Wala naman daw naging alitan at maayos siyang nakapagpaalam sa kaniyang pinanggalingang network.

Gustong subukan ang comedy

Bilang artista, sinabi ni Jason na naghahanap pa siya ng paglago sa kaniyang larangan.

"Happy naman ako bilang tahimik na artista pero siyempre, sa craft ko, gusto ko talagang mag-expand yung naaabot ko. Madami pa akong kailangang i-try, subukan, ang talagang gusto ko, tumagal sa showbiz. Tumagal na kahit hindi ko na kaya, umaarte pa rin ako," pahayag ng aktor.

Bukas daw si Jason na gumawa ng comedy projects.

"Sabi nila medyo okay ako sa drama, kaya lang gusto ko ring i-try yung mga possibilities na puwede kong gawin so why not comedy?"

Gusto ring subukan ni Jason ang role ng isang superhero na mala-Iron Man.

"Ever since kasi gusto kong maging superhero eh, parang ang sarap magkaroon ng super power 'di ba? Basta ako, nagtitiwala ako sa kung ano'ng ibibigay sa 'kin," saad ng bagong Kapuso. -- FRJ, GMA News