Sa muli nilang pagsasama-sama bilang "Triplets," bubuhayin nina Manilyn Reynes, Sheryl Cruz at Tina Paner ang kanilang mga classic hit sa kanilang concert sa darating na Setyembre 9.
Pinamagatang 'Triplet,' ang concert ay magsisilbing formal reunion ng tatlo sa stage matapos ang maraming taon na hindi sila nakapag-perform. Dito rin magkakaroon ng update ang kanilang fans tungkol sa kanilang mga idolo.
"Ako po ay natutuwa kasi after ilang years, nagsama-sama [ulit] kami as isang grupo... Natutuwa ako kasi after ng 'Meant to Be,' ito na 'yung talagang first concert namin as Triplet," pahayag ni Tina sa ginanap na press con nitong Miyerkules.
"Parang crime kung hindi kakantahin ang hit songs namin," sabi naman ni Manilyn.Matatandaang muling nagsama sina Manilyn, Sheryl at Tina para sa GMA Telebabad rom-com serye na "Meant to Be."
Ipinaliwanag naman ni Sheryl kung ano ang mga kaaabangan sa concert.
"Kung ano man 'yung mga ginagawa namin before sa 'That's Entertainment' like dance and sing, gagawin uli namin 'yun ngayon. But nadagdagan lang 'yung challenge kasi may mga new song na kami na ipe-perform plus a lot of medleys na very danceable," ayon sa singer-actress.
"Mga duet na hindi niyo inaakalang gagawin namin, we'll be doing those and magkakaroon ng interaction sa mga audience because the songs we will be singing are very familiar," saad pa niya.
Bukod sa classic hits ng tatlo, nagbigay din si direk Frank Mamaril na mga posibleng mangyari sa concert.
"Maybe it's good to note na, malay niyo makasama nila 'yung mga love teams nila from before," anang direktor.
"What if there's a tribute to someone special to them," sabi pa ni direk Frank.
Nakilala noong dekada 80's hanggang 90's ang grupo ng tatlo na tinawag na "The Triplets" sa "That's Entertainment," na nagkaroon pa ng ilang album at pelikula.
Sinabi ni Tina, iniimbita rin nila ang mga dati nilang kasamahan sa "That's Entertainment."
"Nag-i-invite rin ako ng mga friends namin from 'That's Entertainment' na active pa rin... yun ang gusto ko ring i-invite," aniya.
Kasama sa magiging guests sa concert ang mga Kapuso na sina Ivan Dorschner, Jak Roberto, Addy Raj at Ken Chan, para sa "millennial twist" ng kanilang concert.
Ang naturang konsiyerto ay gaganapin sa Music Museum sa Greenhills, San Juan. -- FRJ/KVD, GMA News