Matapos ang mahigit dalawang dekada, muling magsasama sina Vic Sotto at Dawn Zulueta para sa pelikulang "Meant To Beh - Ika-Something na Utos," na entry sa gaganapin na Metro Manila Film Festival 2017.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, 1995 pa nang huling magkatrabaho ang dalawa sa "Okey Ka Fairy Ko!" kung saan ginampanan nila ang mga karakter nina Enteng at Faye.

"Marami na kaming pinagsamahan nito," pahayag ni Bossing Vic.

"I'm very excited really. Hindi ko nga akailan na mauulit pa eh. Pero hindi ko malilimutan 'yung masasaya naming eksena sa 'Okey Ka Fairy Ko!'" pahayag naman ni Dawn.

Kasama rin ang mga Kapuso stars na sina Andrea Torres, Ruru Madrid at Gabbi Garcia, samantalang gaganap naman bilang anak nina Bossing Vic at Dawn ang cute Dabarkads na si Baeby Baste.

"Sabi niya sa akin pinag-aaralan pa rin daw niya 'yung role niya kaya kailangan niyang mag-internalize," pahayag ni Bossing Vic.

Inihayag naman ni Bossing Vic ang kanyang opinyon tungkol sa kontrobersyal na paghahalo ng mga pelikulang indie at mga mainstream movies sa MMFF.

Nu'ng isang taon lang lumiban si Bossing sa MMFF nang hindi makasali ang kanyang entry na "Enteng Kabisote 10".

"I definitely agree with the rules for this year to accommodate everyone. Personally I don't look at it that way na heto indie, heto mainstream. Para sa akin puro Filipino films yan eh." — Jamil Santos / AT, GMA News