(PEP IMAGE Arniel Serato)

Ibinahagi ng singer-director-actor na si Randy Santiago sa PEP.ph ang mga huling sandali na kasama nila ang namayapang anak na si Ryan Leonardo, na inilarawan niyang mapagmahal at malambing na anak.

Sa artikulo ni Arniel Serato sa PEP.ph nitong Martes, sinabing eksklusibo nilang nakapanayam si Randy sa burol ng anak sa La Salle Greenhills Chapel.

Nalulungkot na ikwinento ni Randy na maayos pa umano nilang kausap si Ryan noong Linggo ng gabi, August 13, pero bigla itong dumaing ng sakit sa katawan.

Dinala nila sa ospital ang anak at doon na ito binawian ng buhay sa edad na 24.

Tatlong taon umanong nilabanan ni Ryan ang sakit nito na rare brain disease at multiple sclerosis.

Masakit man sa kanila ng asawang si Marilou Coronel ang nangyari, unti-unti na raw nila itong natatanggap.

“Tanggap, pero mahirap… masakit. Lalo na kapag magulang," saad niya. "Pero siyempre, ang Panginoon, nandiyan para siguro... Baka may purpose Siya kung bakit he had to leave and he had to go at an early age, dahil siyempre hindi naman siguro patatagalin pa yung sickness niya.”

Iniisip na lang umano nila na pumanaw si Ryan na hindi nakaramdam pa ng mahabang pananakit sa katawan dulot ng kanyang karamdaman.

Inilarawan ni Randy na malambing at madali niyang maaya si Ryan na samahan siya sa mga lakad tulad ng panonood ng sine dahil katulad niya rin itong gala.

Idinagdag niya na malambing din sa mga kamag-anak, at mga kaklase si Ryan kaya marami ang nalungkot nang mawala ito.

“So, yun lahat ng mga supporters na mga classmates, nag-iiyakan, lalo na nung kini-cremate kagabi," ani Randy. "Hindi nila matanggap na wala na si Ryan."

Sa unang gabi ng lamay, punung-puno ang chapel na pinaglagakan ng urn ni Ryan at ilang celebrity ang namataan na nakiramay sa pamilya. (For the full story, visit PEP.ph)-- FRJ/KVD, GMA News