Bago maging "Unang Hirit" host at mapasama bilang Dabarkads ng longest running noontime show na "Eat Bulaga," nagsimula munang makita sa mga commercial ang Kapuso host na si Luane Dy.
Kuwento ni Luane kay Rhea Santos sa programang "Tunay Na Buhay," nakasama siya sa ilang commercial na karamihan ay tungkol sa pagkain sa tulong ng ilang kaibigan.
"Mostly pagkain, kasi mukhang chubby ako nu'ng ano eh... Hanggang ngayon naman chubby-chubby ako. Tsaka 'pag kumakain ako, naiingit daw sila kasi ang sarap ko daw kumain," kuwento niya.
Ngunit bago pa nito, sumubok din si Luane sa isang image model search noong 2001 sa edad na 14, ngunit hindi siya pinalad.
"Nabasa ko lang siya sa dyaryo. 'Ay gusto ko siyang i-try!' Tapos nagpaalam ako sa nanay ko. Sabi ng mom ko, 'Sige, subukan mo kung gusto mo.' Nakapasok ako doon pero hindi ako nanalo. Hindi nga yata ako runner-up."
Ngunit sabi naman ni Luane, hindi siya pinanghinaan ng loob.
"Hindi naman. Kasi para sa akin gusto ko lang naman ding i-try. Baka naman pwede. Baka kumita ako eh. Haha!" pabiro niyang sabi.
"Baka naman makaraket ako doon, so sige, tinry ko."
Matapos ang kaniyang paglabas sa mga commercial at VTR, doon na siya pinag-audition ng kaibigan niyang talent scout sa GMA Artist Center, na nagsilbing daan para mapansin siya ng 'Unang Hirit.'
"Pinapunta nila ako right after live ng Unang Hirit... Du'n ako sa studio, pinapabasa nila ako ng newspaper, tapos kunwari pinapabasa nila ako ng prompter."
"Right after nu'n, 'Kausapin ka daw ng mga boss ng 'UH.' So parang kinabahan na ako. After nu'n, pinapirma na nila ako ng contract," saad ni Luane.
"Luane has that credibility. Tapos napaka-pleasant ng personality niya. 'Pag halimbawa wala siya, mami-miss mo siya kasi masarap siyang kakwentuhan," anang 'Unang Hirit' co-host na si Lhar Santiago.
Ang masasabi ni co-host Lyn Ching tungkol kay Luane, "She is very attractive and it adds to the viewers. Parang ganu'n 'yung feeling kapag nakikita mo siya. How to be as pretty as you, ganu'n."
Kwento ni Luane, natuto raw siya sa mga experiences ng kanyang mga kasamahan.
"From others' experience, sa mga naririnig ko sa inyo, sa mga experience niyo sa life. Parang naa-absorb ko 'yun. Ako kasi 'yung bunso eh, 'yung feeling na inaalagaan ka nila kahit hindi naman talaga."
Bukod sa 'Unang Hirit, lumabas din si Luane sa ilang programa ng GMA Drama, tulad ng "I Heart You Pare" noong 2011, kung saan nakasama niya si Kapuso Primetime King Dingdong Dantes, at "Genesis" noong 2013.
Pag-amin ni Luane, mas gusto raw niya ng kontrabida roles.
"Mas gustong maging kontrabida kasi ayoko ng inaapi ako eh."
Sinabi rin ni Luane na isang guesting sa 'Jackpot En Poy' ng "Eat Bulaga" ang naging daan para mapabilang siya sa mga Dabarkads.
"After nu'n kinausap na ako ng EP ng mga bossing ng 'Bulaga.' Sabi nila, dati ka pa nagge-guest ng 'Bulaga,' tina-try ka na naming kuhanin. So medyo matagal na daw, sabi nila, kaso may 'Balitanghali' ako. Magkasabay. Nagkaroon pa ako ng dilemma, dahil nakakontrata ako."
Sabi ni Luane, ipinagdasal na lang niya ang kaniyang desisyon.
Aminado si Luane na kabado rin siya noong unang salang niya sa "Eat Bulaga," pero nakasanayan din naman niya.
"Mixed emotions. Actually, sobrang kinakabahan ako. 'Yung first salang ko, hindi lang daw halata pero sobrang kabadong-kabado ako. Bawat kalamnan ko yata naririnig na. As in 'Oh my gosh' na parang ang hirap magkamali. 'Pag nabulol kaya ako, ano ang gagawin ko."
Kwento ni Patricia Tumulak, nagkasundo raw sila agad ni Luane sa "Eat Bulaga."
"Nu'ng first day niya, nag-click agad kami ni Luane kasi sa mga hindi nakakaalam, sobrang takaw din pala niya. So naging food buddy ko siya, at the same time, mahilig din siyang magwork-out. Nakakasama ko siyang mag-gym. Marunong siyang makisama. Aside from magaling siyang maghost. Mabilis niyang nakuha agad 'yung loob namin."
Ngayon, pagkatapos ng "Unang Hirit," dumidiretso na siya sa Broadway Centrum para sa "Eat Bulaga."
Plano ni Luane sa kanyang buhay, gusto niyang magkaroon ng negosyo balang araw.
"Ang gusto ko rin sana, may puntahan kung ano man 'yung mga pinag-iipunan ko. Magkaroon ng investments at magkaroon ako ng sariling business," aniya. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News