Makukuha na rin sa radyo ang mga paghahandang payo at impormasyon tungkol sa panahon at kalamidad na ibibigay ng Kapuso resident meteorologist na si Nathaniel ‘Mang Tani’ Cruz sa pamamagitan ng kaniyang programang "I M Ready," sa Super Radyo dzBB.
Mapakikinggan na tuwing Sabado sa ganap na 10 hanggang 11 a.m., ang "I M Ready," na tatalakay sa komprehensibong ulat sa lagay ng panahon, weather trivia, at tips tungkol sa paghahanda at pag-iingat sa iba't ibang uri ng kalamidad.
Maaari ding magbato ng mga katanungan tungkol sa panahon at mga may kaugnayan sa kalamidad sa segment na "Magtanong kay Mang Tani."
Ikinatuwa naman ni Mang Tani, na maihahatid din niya sa mga tagasubaybay ng Super Radyo dzBB ang kaniyang kaalaman at mga impormasyon tungkol sa kalamidad at panahon na kaniyang ibinabahagi sa mga programa ng telebisyon ng Kapuso station.
“When they created the I M Ready project, the intention is really to instill readiness on the people. And then imagine we have 20 tropical cyclones a year, talagang kailangang maging handa tayo. Alam naman natin na ang Pilipinas ay isa sa mga flood-prone, landslide-prone, typhoon-prone, lahat na yata ng klase ng mga natural hazards ay mayroon tayo," ayon kay Mang Tani, na dating nagsilbi sa PAGASA at Bureau of Meteorology sa Australia.
"Nakikita na tayo lalong-lalo na sa '24 Oras' at sa 'Unang Hirit,' ang kailangan naman ngayon ay makarating tayo sa mas malawak na publiko, at ito nga ay sa pamamamagitan ng radyo,” dagdag niya.
Muli namang binigyang-diin ni Mang Tani ang paghahanda sa mga kalamidad na maaaring idulot ng kalikasan at maging ng tao.
“Ang paghahanda, hindi ginagawa kung kailan nandiyan na ‘yung panganib, kundi ito ay ginagawa habang wala pa. Hindi kailangang maging mayaman ang isang komunidad para makapaghanda. Ang kailangan lang ay sapat na kaalaman, alam kung saan pupunta, sinu-sino ‘yung mga dapat mauna, at dapat lahat ng miyembro ng pamilya alam kung ano ang gagawin kapag may parating na panganib,” paliwanag niya. -- FRJ, GMA News