Sa unang pagkakataon, makakatrabaho ng batikang aktres na si Elizabeth Oropesa ang Kapuso star na si Kris Bernal sa seryeng "Impostora."

Sa ulat ni Ruel Mendoza sa PEP.ph nitong Lunes, sinabing gagampanan ni Elizabeth ang karakter ni Denang, ang adoptive mother ni Nimfa, ang isa sa dalawang role ni Kris.

"Kris is very, very good here at nakakagulat yung range niya as an actress for somebody her age," ayon kay Elizabeth. "Parang ang dami na niyang pinagdaanan sa buhay."

Bukod kay Nimfa, gagampanan din ni Kris ang karakter ni Rosette.

Labis din ang pasasalamat ng veteran actress na napasama siya sa mababait na cast, na halos lahat daw ay first time niyang makakatrabaho.

Inilarawan niya na professional at magagalang ang mga katrabaho niya sa "Impostora."

"Sa buong cast nga, ako lang ang pinaka-senior sa lahat. At nakakatuwa na magagalang ang mga baguhan na ito sa tulad ko," aniya.

Natutuwa rin si La Oropesa sa kaniyang pagbabalik sa Kapuso network, na ang naging huling proyekto niya ay ang "Beauty Queen" noong 2010 na pinagbidahan ni Iza Calzado. -- FRJ, GMA News