Sinabi ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag nitong Miyerkules na bubuo siya ng isang task force upang imbestigahan ang mga umano'y iregularidad sa bidding at paggamit ng pondo para sa mga proyektong may kaugnayan sa 2019 Southeast Asian (SEA) Games. Samantala, pumalag naman dito si Senador Alan Peter Cayetano, na nagsilbing chairperson ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) noong naging host ang Pilipinas ng 2019 SEA Games.
Sa isang panayam, sinabi ni Matibag na nakatanggap ang NBI kamakailan ng bagong mga impormasyon at mga dokumento na may kaugnayan sa PHISGOC.
Ayon sa opisyal, may kinalaman ang usapin sa napakalaking halaga ng pera.
"If you recall, 'yung bidding na ginawa dito tapos unliquidated so marami 'yan na kailangang tingnan. That's why I'm creating a task force na composed of our Financial Investigation Unit at saka ang aming Special Action Unit to investigate the matter," sabi ni Matibag.
Iginiit ni Matibag na bilyun-bilyong piso ang ginastos para sa SEA Games Sports Complex.
Inakusahan din niya ang isang pribadong kumpanya na tumanggap umano ng P10 bilyon sa pamamagitan ng mga "congressional insertions."
Bukod dito, sinabi niyang susuriin din ng NBI ang kontrobersiyal noon na P50-million 2019 SEA Games cauldron project.
Ayon pa kay Matibag, makikipag-ugnayan ang NBI sa Securities and Exchange Commission (SEC), Commission on Audit (COA), at iba pang ahensya bilang bahagi ng gagawing imbestigasyon.
Idinagdag niya na sinusuri na ng mga imbestigador ang ilang personalidad, bagaman wala pang pormal na itinuturing na paksa ng imbestigasyon.
"As we speak, wala pa naman tayong sasabihin na na-identify but there are already personalities na nakikita natin," saad ng opisyal.
Itinanggi rin ni Matibag na politically motivated ang gagawin nilang pagsisiyasat.
"I'm always respectful to everybody, especially to the members of the Senate. It so happened siguro na si Senator Cayetano ay involved dito, at tayo naman, ang record ng NBI, we'll always go where the evidence leads us," giit niya.
Si Cayetano ang nagsilbing chairperson ng PHISGOC noong naging host ang Pilipinas ng 2019 SEA Games.
"Kung kailangan natin siya tanungin, we will respectfully ask him," dagdag ni Matibag.
Konektado sa impeachment?
Bilang tugon sa mga pahayag ni Matibag, nagsalita si Cayetano sa plenaryo ng Senado nitong Miyerkules, at ipinahiwatig na layunin ng planong imbestigasyon ng NBI sa 2019 SEA Games na gipitin ang mga miyembro ng Senate impeachment court.
Inakusahan din niya si Matibag ng pagpapahina sa integridad ng Senate impeachment court sa pamamagitan ng pag-aanunsyo ng imbestigasyon sa mga umano'y iregularidad sa 2019 SEA Games ilang araw bago ang nakatakda nitong pagtestigo sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Cayetano, hindi siya tutol sa anumang imbestigasyon, ngunit hindi siya sang-ayon sa pampublikong pag-aanunsyo nito habang nagpapatuloy ang paglilitis sa impeachment.
"If you think something is wrong, investigate it," saad ng senador. "But do not announce it to the media, because it compromises the integrity of this court," anang senador na iginiit din na patuloy niyang gagampanan ang kanyang tungkulin bilang senator-judge sa kabila ng isinasagawang imbestigasyon.
"Am I intimidated? I have no choice. Ilalaban ko na ito. I will do what I have to do," dagdag niya. — Joahna Lei Casilao/FRJ GMA News

