Inaasahan na muling tataas ang presyo ng gasolina at diesel sa susunod na linggo, batay sa pagtaya ng isang opisyal ng Department of Energy (DOE) nitong Biyernes.
Ayon kay DOE-Oil Industry Management Bureau (DOE-OIMB) assistant director Rodela Romero, ang posibleng paggalaw ng mga produktong presyo sa susunod na linggo ay ang mga sumusunod:
- Gasoline - dagdag na P0.30 hanggang P0.70 per liter
- Diesel - dagdag na P0.20 hanggang P0.60 per liter
- Kerosene - walang paggalaw o increase/decrease ng P0.20 per liter.
Ayon kay Romero, ang inaasahang price adjustment sa mga produktong petrolyo ay bunsod ng inanunsyong reciprocal tariffs ni United States President Donald Trump sa mga trading partner nito, kabilang ang EU, China at Korea. Pinapangambahan na magdudulot ito ng global trade war na makakaapekto sa pangangailangan sa krudo.
Inaasahan din ang pagbaba ng produksyon ng langis ng China sa Marso at Abril, dahil sa peak maintenance season.
Malalaman ang pinal na galaw sa presyo ng mga produktong petrolyo sa huling araw ng kalakalan sa Biyernes, ayon kay Romero.
Nitong nakaraang Martes, tumaas ng P1.40 per liter ang gasolina, habang P1.20 per liter naman ang nadagdag sa presyo ng diesel at kerosene.
Tuwing Lunes inaanunsyo ng mga oil company kung magkano ang galaw sa mga produktong petrolyo at ipatutupad naman kinabukasan ng Martes. -- FRJ, GMA Integrated News

