Nanggulat ang 19-anyos na Pinay tennis player na si Alexandra Eala nang pataubin niya sa kanilang laban sa Miami Open nitong Linggo ang fifth-seeded American na si Madison Keys, at siya ring kampeon sa Australian Open.
Sa ulat ng GTV News "Balitanghali" nitong Lunes, sinabing dahil sa kaniyang panalo kontra kay Keys, pasok na si Eala sa Final 16 ng Miami Open.
Sa third round ng laro, nakuha ni Eala ang upset win laban kay Keys sa iskor na 6-4, 6-2.
Ito ang unang pagkakataon na may Pinay na tumalo sa isang world ranked top 10 player sa women's tennis.
Sunod na makakalaban ni Eala si Paula Badosa ng Spain para sa quarterfinals.
Nag-post naman ang tennis superstar na si Rafa Nadal ng pagbati kay Eala sa kaniyang panalo kontra kay Keys.
"Congratulations Alex! What a great win for you and for [larawan ng Philippine flag na may kasamang clap na emoji]," saad ni Nadal.
Sa Rafael Nadal academy sa Mallorca nagsanay si Eala mula noong 13-anyos pa lang siya. -- FRJ, GMA Integrated News