Nag-viral ang isang magsasaka na puwersahang pinababa sa motorsiklo at marahas na hinuli umano ng mga tauhan ng Land Transportation Office (LTO) matapos siyang makitaan ng kutsilyo na gamit umano niya sa pagsasaka sa Panglao, Bohol.
Sa ulat ni Darlene Cay sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapanonood ang viral video kung saan nakahiga sa kaniyang motorsiklo ang lalaki habang hinuhuli ng mga tauhan ng LTO Region 7 sa Barangay Tawala Biyernes ng umaga.
Nang makuhanan ng kutsilyo, puwersahang pinabababa ang lalaki, kinaladkad sa gilid ng kalsada at ilang ulit na tinanong kung bakit niya ito dala-dala.
Nalaman ng GMA Regional TV na nakatatandang kapatid ng dating bise-alkalde ng Panglao ang hinuhuling lalaki.
Ayon sa dating opisyal, galing noon sa farm sa Barangay Bolod ang kaniyang kapatid.
"Nakaupo lang siya, biglang sinuntok at kinaladkad pababa. Hindi siya lumaban. Itong aking kapatid, into farming. Ito ang pinagkakaabalahan niya. Nagdadala ng itak, kutsilyo dahil galing nag-harvest,” sabi ng dating vice mayor at kapatid ng inaresto na si Brian Velasco.
Inihayag ng pamilya ang kanilang pagkuwestiyon sa paraan ng pagdakip sa lalaki.
"Umiyak ako kasi kapatid ko 'yun. Hindi sana ganu’n ang ginawa. Maliban sa hindi siya kriminal, ang kanilang ginawa, hindi sila pulis para gawin 'yun dahil ang expertise ng LTO 'di ba ang manghuli at tumingin sa lisensya," sabi pa ni Velasco.
Naghahanda ang pamilya ni Velasco sa maaaring isampang kaso laban sa mga dawit na kawani ng LTO.
'Rule of Law'
Nakiisa ang Integrated Bar of the Philippines Bohol Chapter sa panawagan ng imbestigasyon sa insidente, at nagpaalala sa mga kawani ng gobyerno na laging sundin ang rule of law at igalang ang karapatang pantao sa pagsasagawa ng kanilang tungkulin.
Samantala, mga sangkot na tauhan ng LTO ay pinasuspinde na ni Transportation Secretary Vince Dizon.
"DOTr Secretary Vince Dizon has ordered the immediate preventive suspension of all LTO personnel involved in the incident in Panglao, Bohol. This will remain in effect pending the completion of a thorough and impartial investigation into the circumstances surrounding the event,” saad ng LTO sa isang pahayag.
"...LTO 7 has immediately suspended all law enforcement operations in Bohol Province, and has withdrawn the field enforcement officers from the area pending a full investigation into the matter,” sabi naman ni Glen G. Galario, Regional Director ng LTO Region 7.
“The individual involved in the incident is currently in police custody, and appropriate charges are being prepared against him,” sabi pa ni Galario.
Wala namang binanggit ang LTO Region 7 sa dahilan ng pag-aresto sa lalaki at kung ano ang reklamong isasampa sa kaniya.
Humingi na ng paumanhin ang LTO 7 sa publiko at sinigurong magiging patas ang isasagawang imbestigasyon.
"We sincerely apologize to the public for the distress caused by this incident.... and we assure that due process will be followed through a thorough and impartial investigation. Rest assured, LTO 7 is committed to transparency, accountability, and maintaining public trust in out operations,” sabi ni Galario sa kanilang pahayag. —Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News