Dinakip ang isang 70-anyos na lola, na dating kagawad, at ang kaniyang pamangkin, dahil sa pagbebenta umano ng mga gamot na pampalaglag ng sanggol sa sinapupunan sa Quiapo Church sa Maynila.
Sa ulat ni Jhomer Apresto sa GTV News Balitanghali nitong Huwebes, sinabing inaresto ang magtiyahin nitong gabi ng Miyerkoles.
Ayon sa pulisya, may nagsumbong sa kanila na taga-simbahan tungkol sa isinasagawang pagbebenta ng magtiyahin ng mga gamot na pampalaglag.
Nagsagawa ng buy-bust operation ang Intelligence Division ng MPD, at nang makabili ng gamot na pampalaglag ang operatiba sa lola, isinagawa na ang pag-aresto.
Natuklasan na dati nang nakulong ang lola kasama ang isang dayuhan na nagbebenta rin ng pampalaglag.
Ayon sa pulisya, mga estudyante ang karaniwang parokyano na mga nasabing gamot na mabibili ng P1,000 hanggang P3,500 kada banig.
“It is done secretly. Minsan niya sa online pa. Gamot ito for all, sir. Kaso nga lang sa Quiapo, ito is pampalaglag or ginagamit nila for abortion,” sabi ni Police Lieutenant Colonel John Guiagui, OIC ng MPD Intelligence Division.
Lumalabas sa imbestigasyon ng MPD na isang foreigner na may asawang Pinay ang nagsisilbing supplier ng mga gamot na pampalaglag.
Maliban sa Maynila, ibinebenta rin umano ang mga pampalaglag sa iba't ibang bahagi ng Metro Manila sa pamamagitan ng online transaction.
Sinabi ng suspek na lola na halos kababalik lang niya sa pagbebenta ng mga gamot, at itinanggi na dati siyang nakulong dahil dito.
Nagsisisi naman ang kaniyang pamangkin sa kanilang ginawa.
Makaharap ang magtiyahin sa reklamong paglabag sa Food and Drug Administration Act of 2009.
Nagpaalala ang kapulisan sa publiko na huwag nang subukan pa ang mga gamot pampalaglag dahil bukod sa delikado, ilegal ang abortion sa Pilipinas.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News