Tinupok ng apoy ang isang junk shop sa Visayas Extension sa Barangay Payatas B, Quezon City mag-aalas onse ng gabi nitong Lunes.

Nagbayanihan ang mga residente na apulahin ang apoy gamit ang mga balde ng tubig pero hindi kinaya.

Itinaas ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang unang alarma. Labing-isang fire truck nila ang rumesponde bukod pa sa mga fire volunteer group.

 

Umabot sa unang alarma ang sunog na sumiklab sa isang junk shop sa Brgy. Payatas, Quezon City. James Agustin

 

 

Maghahatinggabi nang tuluyang maapula ang sunog.

“Pagkalabas po namin, may malaki pong sunog. Tapos pumunta po kami. Tapos may gusto pong tumulong na mga tao kaso hindi nila kaya. Kaya may tumawag ng bombero,” kuwento ng saksing si Aizen Eras Arcangel.

Ayon sa purok leader, nakalabas ang pamilyang naninirahan sa junk shop, maging ang ilang trabahador.

Mabilis na kumalat ang apoy dahil sa mga laman nitong kalakal kabilang na ang mga papel, Styrofoam at karton.

“Okay naman, wala raw sa kanilang nasaktan o nasugatan. Wala po, nakababa sila agad lahat. Dito pa raw po sa gilid nagsimula 'yung apoy tapos nag-boom na pataas,” ani Emily Sacbibit, ang purok leader sa lugar.

Inaalam pa ng BFP ang sanhi ng apoy, maging ang kabuuang halaga ng pinsala. —KG, GMA Integrated News