Nauwi sa engkuwentro sa Caloocan ang gagawing pag-aresto ng mga pulis sa isa nilang dating kabaro na suspek sa pamamaril at pagpatay sa Cavite na nangyari noong Araw ng mga Puso.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News “Saksi” nitong Miyerkules, madidinig sa video footage ang sunod-sunod na putok ng baril noong Lunes.
Nagawa ng suspek na makasakay pa sa kaniyang kotse at umuwi para kumuha pa umano ng mga armas.
Pero dito na siya nasukol ng mga awtoridad at tuluyang naaresto ng buhay.
“Meron tayong narekober na isang ingram, isang 9mm, isang replica ng m16 at isang granada,” ayon kay Police General Paul Kenneth Lucas, Police Region 4A Director, tungkol sa mga armas na nakuha sa bahay ng suspek.
Dating pulis sa National Capital Region Police Office (NCRPO) ang suspek na natanggal sa trabaho noong 2019.
Noong Araw ng mga Puso, may binaril umano ang suspek sa Tanza, Cavite na ikinasawi ng isang biktima, at ikinasugat ng isa pa.
Sa isinagawang backtracking ng mga awtoridad sa mga CCTV footage, natunton ang suspek sa Caloocan, at isinagawa ang operasyon para siya arestuhin.
Itinanggi naman ng suspek ang alegasyon na sangkot siya sa pamamaril, at sinabing nasa biyahe siya nang mangyari ang krimen noong February 14.
Bukod sa kasong murder, mahaharap ang suspek sa paglabag sa Omnibus Election Code dahil sa kaniyang mga baril. -- FRJ, GMA Integrated News