Aakalaing naaksidente ang isang Sports Utility Vehicle na bumangga sa isang poste sa Parañaque City pero biktima pala ng pamamaril ang driver nito at binawian ng buhay.

Sa ulat ng GTV "Balitanghali" nitong Martes, sinabing nangyari ang pamamaril bandang 5:30 am sa bahagi ng Dr. A Santos Avenue sa nasabing lungsod.

Bumangga ang sasakyan sa kongkretong poste, habang nakalukmok sa kaniyang sasakyan ang nasawing biktima na lalaki.

Dalawang basyo ng bala mula sa hindi pa matukoy na baril ang nakita ng mga awtoridad sa pinangyarihan ng krimen.

Sa ulat ni Mao dela Cruz sa Super Radyo dzBB, sinabing batay sa impormasyon ng pulisya, hindi pa malinaw kung paano binaril ang biktima, at kung nakasakay sa motorsiklo ang salarin.

Susuriin umano ng mga awtoridad ang mga CCTV camera sa mga establisimyento sa lugar upang malaman nakuhanan ng video ang krimen para makatulong sa ginagawang imbestigasyon. 

Sa hiwalay na ulat ni Jun Veneracion sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, 71-anyos ang biktimang nasawi, at isang negosyante.

Hindi muna binanggit ang pangalan ng biktima habang patuloy ang imbestigasyon.

Ayon sa isang saksi, nasa apat hanggang limang putok ng baril ang sunod-sunod niyang nadinig.

Dalawang suspek ang sangkot umano sa pamamaril na nakasakay sa motorsiklo.

Sinabi ni Police Colonel Randulf Tuano, acting chief, PNP-PIO, nasa negosyo ng pagpapaupa ng mga bahay ang biktima.

May motibo na rin umano na tinututukan ang pulisya sa nangyaring krimen.-- FRJ, GMA Integrated