Inaprubahan ng Department of Transportation (DOTr) ang bagong fare matrix ng Light Rail Transit Line (LRT1) na magpapatupad ng bagong taas-singil sa pamasahe simula sa Abril 2, 2025.

Ito ang inanunsyo ngayong Martes ng Light Rail Manila Corp. (LRMC), ang private concessionaire ng LRT1.

Ayon sa LRMC, inaprubahan ng Rail Regulatory Unit ng DOTr ang bagong fare matrix, na pirmado ni Railways Undersecretary Jeremy Regino.

Sa kasalukuyang fare formula ng LRT1 na P13.29 sa boarding fee at P1.21 increment per kilometer, tataas ito sa P16.25 boarding fee at P1.47 per kilometer.

Batay sa inaprubahang bagong fare matrix, ang maximum fare ng P45 para sa single journey na end-to-trip ay tataas sa P55.

Lumabas ang bagong singil sa LRT1, dalawang buwan matapos magsagawa ng public hearing ang DOTr sa petisyon ng LRMC para sa fare increase.

Una rito, sinabi ni LRMC CEO Enrico Benipayo, mula nang pamahalaan ng LRMC ang LRT1 noong 2015, isang beses pa lang naaprubahan ang kanilang hiling na taas-singil sa pamasahe.

Naghain ng petisyon LRMC para sa fare adjustments noong 2016, 2018, 2020, at 2022, na pawang hindi inaprubahan.

Dahil sa mga hindi naaprubahan fare hikes, umabot umano ang fare deficit sa P2.17 bilyon hanggang noong November 2024.

“Assuming no fare increase will be granted until 2028, LRMC is projecting a total of P4.9 billion in fare deficit for the next three years, bringing the total fare deficit to P7 billion,” ayon kay Benipayo. — mula sa ulat ni Ted Cordero, GMA Integrated News