Umatras si Agri Party-list Rep. Wilbert Lee sa pagtakbong senador sa darating na May 2025 midterm election, isang araw bago ang opisyal na pagsisimula ng kampanya para sa national positions.
Sa isang pahayag nitong Lunes, inihayag ni Lee na wala siyang sapat na makinaryang politikal para magsagawa ng isang matagumpay na kampanya.
“Sa pag-iikot ko po sa ating bansa, napagtanto ko na hindi sapat ang makinarya na mayroon po tayo ngayon para maabot ang lahat ng ating mga kababayan upang mapakilala at maipaalam ang aking mga ipinaglalabang adbokasiya," paliwanag ng kongresista.
Sinabi ni Lee na mahirap ang ginawa niyang desisyon.
“Isa po itong napakahirap na desisyon para sa akin, lalo pa’t naniniwala po ako sa aking mga ipinaglalaban na nais kong dalhin sa Senado. Pero matapos nga po ang taimtim na pagdarasal, pag-iisip, at konsultasyon, naniniwala rin ako na ito ang marapat gawin sa pagkakataong ito,” dagdag ni Lee.
“As they say, sometimes, it is not the times you decide to fight, but the times you decide not to fight, that makes all the difference,” patuloy niya.
Itutuon umano ni Lee ang kaniyang atensyon ngayon upang tulungan ang AGRI Party-list na manalo muli at maipagpatuloy ang kaniyang mga adbokasiya, lalo na ang pagsuporta sa agriculture sector at pagprotekta sa mga magsasaka, mangingisda at local food producers.
“The AGRI party-list will remain just as committed to fulfilling its mandate as representative of the agriculture sector and other marginalized sectors in protecting the interests of our farmers, fisherfolk and local food producers for affordable food,” sabi pa ni Lee.— mula sa ulat ni Llanesca T. Panti/FRJ, GMA Integrated News